Wednesday, October 30, 2024

KATUTUBONG MANGYAN NG MINDORO



 Sa kabundukan ng Mindoro sila'y naninirahan,

Payak na pamumuhay kanilang inaasam.

Pagsasaka, pangingisda at pagtatanim ang libangan,

Katutubong Mangyan, marapat ba sila'y kamuhian?


Marumi, mahirap at dukha kung sila'y turingan,

Sa lupa'y nagsimula ang kanilang karanasan,

Hindi man makapag-aral dahil sa kadukhaan,

Ngunit, ang kanilang lahi'y nagbigay sa atin ng kayamanan.


Ang mga titik ng mga katutubo na ating inaalagaan, 

Nagbunga ng pahina sa ating kasaysayan,

Ang Ambahan na kilala hanggang sa kasalukuyan,

Alpabetong nagbigay pagkilala sa isla ng ating lupang sinilangan.


Kaya ako, ikaw, tayo bilang isang MindoreƱo,

Marapat ipagmalaki ang tribung Mangyan ng Mindoro.

Walong tribu na marapat ipagmalaki bilang TAYO,

Katutubong Mangyan, Ipagmamalaki ko!


sanggunian ng larawan: https://jacobimages.com/2012/12/the-mangyan-of-mindoro

Friday, October 25, 2024

Pagdanas ng Bagyong Kristine: Karanasan ng Takot at Pag-asa

   


  Ngayong linggo, dumaan sa aming lugar ang Bagyong Kristine, isa sa mga pinakamalakas na bagyo na tumama sa bansa ngayong taon. Hindi biro ang lakas ng hangin at bugso ng ulan na dala nito, dahilan upang ihinto ang karamihan ng mga pasok sa trabaho at eskwela.

   Habang ako'y nanonood ng balita sa aming telebisyon, tanging lungkot at pangamba lang ang naramdaman ko ng nakikita ko ang mga lugar na binaha at inanod na ng tuluyan sa lakas ng ulan at hangin dala ng bagyong Kristine. Maraming pamilya ang nawalan ng tahanan at kabuhayan, at sa loob ng ilang oras, nagbago ang anyo ng kanilang komunidad. Ang mga kalsadang nagmistulang ilog, mga bahay na nalubog sa tubig, at mga alaalang napinsala ng rumaragasang ulan.

   Sa aming tahanan, ang tubig ay malapit ng umabot hanggang tuhod, at bagaman hindi kalakihan ang pinsala, ramdam pa rin namin ang hirap na dulot nito. Walang kuryente, walang maayos na tubig at tila ba tumigil ang buong araw para sa amin. Ngunit sa gitna ng ganitong sitwasyon, naroon pa rin ang aming pasasalamat. Alam naming mas mahirap pa ang sinapit ng ibang mga komunidad na sinalanta ng bagyo.

   Sa tuwing dumadaan sa aking newsfeed ang mga litrato ng mga kababayan natin sa facebook, tumitimo sa aking isipan ang lungkot at bigat ng trahedyang dala ng bagyo. May mga nawalan ng tahanan, mga ari-arian, at pinakamalungkot sa lahat, mga mahal sa buhay. Para sa kanila, hindi lamang ito simpleng unos ngunit ito'y pagdurusang dala ng kawalan ng kontrol sa kalikasan at sa kasalukuyang kakulangan ng sapat na tugon mula sa mga kinauukulan.

   Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng ito, nakita ko na nariyan ang mga taong handang tumulong – mga kapitbahay na nagdadamayan, mga boluntaryo na nag-aalok ng kanilang mga sarili, at ang mga lokal na opisyal na sinisiguradong makarating ang tulong sa mga nangangailangan. Nakakaantig na makita na sa gitna ng unos ay nariyan ang pagbibigay-buhay ng pag-asa at pagmamalasakit. 

   Sa kabila ng pagkawala ng kuryente, ginamit ko ang pagkakataong iyon upang magpahinga at magmuni-muni. Ang bawat pagyanig ng hangin at pagpatak ng ulan ay tila isang paalala ng mga hamong darating at ang aming katatagan ang magsisilibing gabay upang kami ay makaahon muli. At alam kong isa lamang ito sa mga bagyong kaya naming lagpasan ulit nang mas matatag at malakas. Marami man ang napinsala sa aming bahay kasama na ang maraming kalat, pagbaha at pagkawala ng tubig at kuryente, nagpapasalamat pa rin ako na ligtas kami mula sa bagyong Kristine.


sanggunian ng larawan: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2024/10/24/2394793/bicol-pinalubog-ni-kristine-7-patay/amp/

CTE Team Up: Team Building Activity

  


   Noong Oktubre 23, 2024, isang 'di malilimutang karanasan ang naidulot ng amin ng isang team building activity na ginanap sa Barber Resort Swimming Pool na may temang CTE Team UP: Building Bonds Celebrating Beginning. Sa likod ng maulan na panahon, masiglang tawa at 'di mapantayang saya ng lahat ng CTE students ang nangyari sa buong araw. Kasama ang bawat isa sa amin, ang araw na iyon ay hindi lamang isang masayang kaganapan kundi isang pagkakataon upang mas makilala at mapalapit ang bawat miyembro ng society.

   Pagdating pa lang namin sa resort, dama na ang kasabikan ng makita ang venue ng lugar. Nagsimula kami sa mga team-building games na talagang nagpatibay ng aming samahan. Isa sa mga paborito ko ay ang mga palarong sumubok sa aming pagkamalikhain at kakayahang magtulungan. Lahat ay naging competitive ngunit mas naging malapit kami dahil sa mga tawanan at sigawan sa bawat laro ng iba't ibang major.

   Iba't ibang booths din ang naghihintay para sa amin—isa na rito ang dart booth kung saan sinubukan kong itama ang bawat bagsak ng dart sa tamang target. Napakasaya ng pagkakataong iyon, lalo na kapag tumatama sa bullseye, damang-dama ang excitement ng bawat kasama sapagkat may nakaabang na premyo ang bawat matatamaang target. Hindi rin kami pinalampas ng photo booth! Kasama ang aking mga kaklase, nagpose kami at nagtawanan habang nagpipicture, bitbit ang mga props na nagbigay ng masayang alaala sa bawat click ng camera.

   Isa pang highlight ay ang shoot-a-ring booth kung saan talagang nasubok ang aming kakayahan at tiyaga. Habang sinusubukang magtama ng singsing sa bawat bote, nagtatawanan kami sa mga sablay at nagchi-cheer sa mga tagumpay na mga kaklase ko. Kahit gigil na ang lahat para maka-shoot, tanging kasiyahan pa rin ang naramdaman namin.

   Bukod sa mga laro, nagkaroon din ng bonding moments sa paglangoy at pagkuhang-litrato na nagsilbing alaala ng masayang araw na iyon. Tunay ngang nagbigay ito ng inspirasyon at sigasig sa bawat isa na mas lalong pag-igihin ang kanilang pag-aaral, habang pinapanatili ang magandang relasyon sa mga kapwa ko estudyante.

  Walang alinlangan, ang araw na iyon ay mananatiling isa sa mga pinaka-masayang alaala sa buhay estudyante ko sapagkat isang taon na lamang ang gugugulin at makakapagtapos na sa pag-aaral at magiging isang guro na sa hinaharap. Ang aktibidad na iyon ay naging paraan din ng pagkawala ng stress at maging masaya kahit isang araw manlang. Kaya, nagpapasalamat ako sa MES dahil ito ay sa isang matagumpay na aktibidad para sa amin. Maraming salamat MES! 

Wednesday, October 23, 2024

BILANGGO NG ISIPAN


Nababalisa sa gilid ng pagdurusa,

Hinahanap ang kalayaang gustong matamasa.

Mula sa isipang naghihikahos at hindi mapakali,

Nais makawala sa mundong masalimuot at madumi.


Kay hirap umahon sa pagkakalugmok,

Puno ng takot upang muling sumubok.

Kinakain ng halimaw na walang anyo,

Dinidikta sa isipan na ako'y maglaho.


Nagkukubli sa madilim at nakakasulasok na kahapon,

Nababaliw sa kaliwa't kanang samu't saring bulong, 

Nagpapalamon sa sariling demonyo na humahamon,

Hanggang kailan ang suliraning hindi ko maisulong?.


Araw-araw suot ang kawili - wili na masakara,

Sinusuot upang magpanggap, tila ba'y isang artista,

Haharap sa madla na parang bida sa isang telenovela,

Makakatakas pa kaya ako sa mundong aking dala-dala?


Hindi ako pintor na gumagawa ng obra maestra,

Pero gumuguhit ako ng mga dibuho na linya.

Nagkakaroon ng kulay at minsan pa'y letra.

Nagnanais na mabawasan ang sakit upang lumigaya.


Ngayon, ako'y nakakulong at hindi makatakas,

Sa masyadong matibay na posas at rehas,

Tulirong isipan kailan makakalaya?

Sa mapang-api mong posas na hindi ko na makakaya.


sanggunian ng larawan: https://neurologicalsurgery.in/blog/causes-and-symptoms-of-epression/

Tuesday, October 22, 2024

SINO NGA BA SIYA?

      Ang buhay ay isang malawak na kabanata ng iba't ibang kuwento—ang bawat isa ay puno ng pagsubok, tagumpay, pagmamahal, at pangarap. Sa mundo ng panitikan, natagpuan ko ang aking boses, isang landas upang maipahayag ang sarili at makapagbahagi ng kwento sa bawat isa sa inyo.

       Ako si Janna Grace Cuevas, isang mag-aaral sa ikatlong taon sa kolehiyo, medyor sa Filipino, at isang masugid na manunulat. Mahilig akong magsulat tungkol sa mga kwento at karanasang kumakatawan sa samu't saring aspeto ng buhay. Ang mga akda ko ay bunga ng pagninilay-nilay sa mga karanasang personal kong naranasan o nasaksihan sa ibang tao—mga kwentong minsang nakatutuwa, minsang nagpapalalim ng pag-unawa, at palaging may dalang inspirasyon.

       Bilang isang manunulat, layunin kong makapagbigay ng mga aral, magsilbing inspirasyon, at makapag-iwan ng bakas sa bawat mambabasa. Nais kong buksan ang mga mata ng aking mga mambabasa sa mas malalim na kahulugan ng mga bagay-bagay sa ating paligid.

        Inaanyayahan ko kayong samahan ako sa paglalakbay ng pagsusulat, kung saan ang bawat pahina ay puno ng pag-asa, mga katanungan, at mga pagninilay sa ating paglalakbay sa buhay. Magbasa, magbigay ng inyong mga saloobin, at sama-sama tayong matuto mula sa mga karanasang ating pinagdadaanan.

       Muli, ako si Janna Grace Cuevas, at ito ang aking mundo ng mga kwentong nais kong ibahagi sa inyo.

MAIKLING KWENTO: PAGLISAN II


Isang araw habang kami ay nakikipag-usap sa isang kliyente sa isang coffee shop, may nakita akong pamilyar na mukha na kasama ni Cael. Papalakad sila sa kinatatayuan namin.

"Kumusta, Angela? Kilala mo pa ba ako?" sambit ng hindi ko matandaan ang pangalan sa harap ko. 

"Ako 'to si Joshua, kaklase mo no'ng sa subject sa Physics natatandaan mo?". dagdag pa niya.

"Ay oo. Kumusta Joshua? Aba, Inhinyero kana ah! Asensado!" tugon ko.

Iniwan kami ni Cael na magkausap ni Joshua. Nagkaroon kami ng pagkakamustahan, biruan at hindi nagkataon, naging magkasintahan. Masyadong mabilis ang pangyayari. Eto na siguro ang sinasabi ni Cael para sa akin. Moreno, matangkad at matcho na paglalarawan niya noon. At eto nga, kapiling ko na siya.

Pagkaraan ng maraming buwan, nagpropose na sa'kin si Joshua. Nagkaroon na rin ng palagayan sa bawat panig ng pamilya. Sa kanyang mga magulang at pati na rin sa lola at lola ko sa probinsya.

"Tingnan mo oh! Ganda 'di ba?", pang iingit na sambit ko.

"Hmm pangit naman. Hindi maganda pumili ng dyamante. Parang mumurahin oh!", pang-aasar na sabi niya. 

"Inggit ka lang eh! Humanap kana kasi para hindi ka tumanda na walang asawa. Belat!", saad mo.

"Hindi ko na kailangan humanap pa. Ang para sa akin, kapag masaya ka, okay na ako. Alam ko aalagaan ka naman niya e. Basta ipangako niya sa'kin na hindi ka niya sasaktan ha? mahalin ka niyan ng buong buo", malungkot sa tugon niya sa akin habang hinahaplos ang ulo ko.

Hindi nagkalaunan, lumipad kami ni Joshua kasama pamilya niya sa France. Doon niya pinakita sa'kin ang mga bagay na hindi ko pa napupuntahan. Mga iba't ibang lugar na parang nasa telebisyon ko lang nakikita at ngayon nasa harap ko na. Sa aking pagmumuni, may tumawag sa akin na numero sa aking cellphone. Bigla akong kinabahan na parang lalabas ang puso ko sa kaba at pangamba. Matapos ang limang minuto na pagkikinig ko sa kabilang linya ng telepono, nanlamig ako. Napaluhod ako sa sahig at umiyak ako nang umiyak sa dibdib ni Joshua.

"Si Cael! si C-ael". 

Pagkarinig ko sa tawag, dali-dali akong Umuwi Ng Pinas. Umuwi ako na dala ang poot at sakit. Ang mga kaganapan na masaya sa France ay napaltan ng lungkot sa pag-uwi ko sa Pilipinas at agad ako nagtungo kung nasaan si Cael ngayon.

"Ang daya mo naman. 'Di ba sabi mo ikaw pa mag-aasikaso ng kasal ko?. 'Di ba ikaw kasama ko sa paglakad sa simbahan? Ikaw na nagsabi non eh", paiyak na mabirong sambit ko sa puntod niya.

"Andaya daya mo! Bakit hindi mo sinabi sa'kin na may leukemia ka? bakit mo tinago sa'kin ng ilang taon? para ka naman others e!", humihikbing dagdag ko.

Mahigit isang taon na mula malaman ni Cael na may sakit siya. Palagi siyang nagpapagamot sa hospital ngunit hindi niya ito sinasabi sa akin. Nalaman ko na lang sa mga kaibigan niya na hindi na pala niya kayang makikita na malungkot ako at nag-aalala kapag nalaman ko ang sakit niya.

Maraming tanong ang pumasok sa isipan ko no'ng nalaman ko 'yon. Mga panghihinayang na sana sa huli ay nasambit ko sakaniya. 


Paano kung hindi ako umalis?

Naalagaan ko pa sana siya ng lubos.

Paano kung naamin ko ang nararamdaman kong iyon?

Sana masaya kami ngayon.


Paano kung hindi ko siya sinunod at sinunod ko ang puso at nararamdaman ko? Edi sana payapa at walang kirot ang puso ko ngayon. 

Naging matagumpay ang plano ni Cael na pasayahin siya sa konting oras. Naisakatuparan niya ang hiling na magkaroon siya ng kasama sa buhay ngayong wala na siya. Masakit para sakanya na maiwan ang kanyang tinuturing na prinsesa kaya tinatanong niya sa tadhana na,

Kung maibabalik ko man ng oras at panahon, i-aayon ba ng tadhana na muli tayong magtagpo?


sanggunian ng larawan: https://medium.com/@flavias.darocha/how-does-it-feel-like-to-be-in-a-long-distance-relationship-f3ec56095cdc

MAIKLING KWENTO: PAGLISAN

 


"Hoy Cael yong pinagkainan mo oh!.Wala kaya tayong yaya para iwanan mo diyan"

"Eh kakain ka rin naman kasi e, kaya ikaw na maglipit. Sige pasok na ako, yong gate ha pag-alis mo!"

Yaan si Cael. Siya ang Bestfriend ko na kasama ko ngayon sa bahay. Magkasama na kami simula no'ng nagtagpo ang landas namin sa paaralan na aming pinapasukan. Madalas late siya noon e, pati na rin ako, kaya ayon nagkasundo. Halos isang taon na rin kami magkasama sa isang bubong ni Cael. Simula kasi no'ng namatay mama at papa ko sa aksidente, wala na ako mapuntahan. Eto naman si Cael, iniwan ng kanyang ina, kaya eto, tumira ako sa bahay niya. Maayos naman kaming magkasama, para magkapatid ba. Ngunit, isang araw, napag-usapan namin na kapag kami hindi nakatagpo ng relasyon na para sa amin, kami na lang magkakatuluyan.

"Oh sinaktan ka na naman ng lalaking yan? 'Di ba sinabi ko sa'yo hiwalayan mo na yan? Sasaktan ka lang ulit niyan eh". Sambit niya sa akin habang ako ay umiiyak na parang bata sa isang tabi.

"E-h kasi sabi niya magbabago siya, b--inigyan ko tuloy siya naman ng pangalawang pagkakataon", hikbing tugon ko.

"Sabi ko sa'yo diba humanap ka ng lalaking mag-aalaga sa'yo. Paano na lang kapag nawala ako sa tabi mo? Sino na lang magbabantay at aaruga sa isang makulit na katulad mo? Lampa ka pa naman", patawang tugon niya sa akin. 

"Hindi ka naman mawawala eh. 'Di ba pangako natin kapag walang sumeryoso sa atin, tayo na lang ang magkakatuluyan? papakasalan mo ako 'di ba?".

Hindi siya kumibo.

"Hoy Cael Luis Camelo! Umoo ka!"

Hindi siya umiimik at seryosong tinuloy ang paggayat ng sibuyas. Napuno ng ilang segundong katahimikan ang kusina na para bang may dumaang angel sa sobrang katahimikan sa aming dalawa.

"Ah basta. Humanap ka ng lalaking aalaga at magmamahal sa'yo. Kung ayaw mo, ako maghahanap para sa'yo. Gusto mo ba ng matcho? Moreno? Ako mag-aasikaso sa kasal niyo ha" tugon niya.

Ngumiti na lamang ako. 

Sa bawat mga salitang binibigkas niya, nasasaktan ako. Nararamdaman kong para bang pinapamigay niya ako sa kung sino-sino. Hindi naman siya mawawala e, kahit kailan. Hindi ako papayag magkahiwalay kami. Napamahal na ako sakanya eh. Sobrang mahal. Higit pa sa pagmamahal bilang kaibigan. Ngunit, tama ba itong nararamdaman ko? O sumusunod na lang ako sa kanya para sa kapakanan ko?

Lumipas ang mga taon, nakapasa at nagkaroon kami ng trabaho. Siya bilang isang photographer at ako bilang isang editor sa isang sikat na kompanya dito sa Manila. Masaya kami dahil marami kaming proyekto na magkasama na dalawa. Minsan, nasa imahinasyon na namin na kapag nakaipon kami ng pera at nagkaroon kami ng sasakyan, maglalakbay kami mula sa Batanes hanggang Hulo. Para bang Eat Bulaga lang na palabas tuwing tanghali sa telebisyon. Dagdag pa rito, Italy. Isa sa mga bucket list namin na mapuntahan na dalawa.


sanggunian ng larawan: https://medium.com/@flavias.darocha/how-does-it-feel-like-to-be-in-a-long-distance-relationship-f3ec56095cdc

Friday, October 18, 2024

DEJAVU

    



  Naglalakad ako sa hindi mabilang na daan na aking tinatahak. Nakikita ko ang mga taong masasaya at wari bang wala nang bukas ang ngiti sa mga labi nila. 

  Ang mga pangyayari na tila ba walang katapusan. Mga taong lakad dito, lakad doon at mga bata na naglalaro sa parke na walang iniisip kundi magsaya. Hindi kalaunan, napadpad ako sa 'di kalayuan ng parke. Umupo ako sa may gilid ng puno at yumakap sa akin ang haplos ng malamig na hangin. Dinig ko ang huni ng ibon, mga ingay ng kulisap at pati na rin ang pagpapagaspas na mga naturang pagbaba ng dahon. Napansin kong tag-lagas na pala. 

   Habang sa aking pagmumuni-muni, nagtagpuan ko ang dalawang magkasintahan. Makikita sakanila ang saya ng pag-iibigan. Ang mga tamis na ngiti na walang humpay na umuukit sa mga mukha nilang sadyang kapansin-pansin. Nagtatawanan at naglalambingan nang walang kupas, na para bang bumuo sila ng isang mundo na kawili wili. Sa patuloy na aking pagmamasid, bumigat ang pakiramdam ko at hindi mawari, tumulo na pala ang luha ko. Ang agos sa mga mata ko ay hindi mapakali. Nagwawangis na tubig na hindi mapigilan dahil sa hinagpis at pagkalumo. Nablanko ang isipan at wari'y nagtataka sa mga tumatakbong mga ala-ala nang nagdaang mga taon. Tila ba'y bumabalik ang panahon ng paghihigpis at sakit ng kahapon. Bumalik lang pala. 

  Tumayo ako at sumigaw. "Ayoko na! Puwede bang palayain mo na ako?". Humagulgol ako nang humagulgol na parang bata sa gilid ng puno ng narra. Umubob sa katawan nito at nilabas ang mga hinanakit sa kaganapang iyon. At sa mga sandali, napansin ko ang nakaukit sa katawan nito, pamilyar na pangalan ng dalawang nag-iibigan. Hugis puso at may kasamang singsing sa pagitan nito. Pinalibutan ako ng kaba at pangamba. Pinabangabag na ng masalimuot na nakaraan na nagbigay ng walang sawang pag-iisip. Nalilito at wari ba'y parang wala sa sarili na bakit parang nangyari na ito? 

 Ang mga pangyayari na ito ay para bang pamilyar na tumatakbong mabilis sa aking isipan. Nangyari pala ulit. Umaagos na naman luha ko sa pag-ibig na iyon. Kailan kaya ako makakaalis sa mga pangyayaring ito? patuloy lang ba ako hahabulin ng mga ala-ala na nangyari sa nakaraan ko? 


sanggunian ng larawan: https://confirmado.com.ve/como-hacer-creer-a-alguien-que-vive-un-deja-vu/

Thursday, October 10, 2024

DAKILANG BAYAN




Sa bawat dapithapon ng silangan, 

Pangarap ng bayan ang laging tanawan, 

Dugo't pawis sa lupa ay ibuwis, 

Upang kalayaan ay ating makamit.


Mga bayani'y 'di kailanman limot, 

Sa kanilang tapang, bansa'y umahon. 

Ang bawat halakhak at bawat pag-iyak,

Ay alay sa bayan, sa kanyang pangarap.


Ang araw at buwan ay saksing totoo, 

Sa bawat sakripisyo ng Pilipino. 

Pag-ibig sa bayan ay 'di mapaparam, 

Hanggang sa huli, siya'y ipaglalaban.


Kaya't mga Pilipino, isadiwa't isapuso, 

Ang bayan ay mahalin sa bawat yugto. 

Diwa ng bayan, hindi kukupas, 

Hanggang sa huli, ang dugo'y magagasgas.


sanggunian ng larawan: https://www.creativefabrica.com/product/andres-bonifacio-leading-the-katipunan-2/

Thursday, October 3, 2024

KARUNUNGANG BAYAN SA PAGLINANG NG KRITIKAL AT MORAL NA KAISIPAN

Abstrak

    Ang karunungang bayan ay isa sa mga akdang pampanitikan na naglalayong hubugin ang kakayahan ng mga mag-aaral sa kanilang kagandahang asal at kritikal na pag-iisip. Ngunit sa pagpasok ng modernong panahon, ilan sa mga kabataan ay nakalilimutan na kung ang kahalagahan ng karungang bayan bilang bahaging pamana ng ating mga ninuno sa kasaysayan. Ang pangunahing layunin ng pag-aaral na ito ay naglalayong tukuyin ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa Baitang 8 mula sa mga pampublikong paaralan sa Bayan ng Victoria patungkol sa karunungang bayan, partikular sa mga anyong salawikain, sawikain, at bugtong. Tinataya rin nito kung paano nakatutulong ang mga tradisyunal na anyo ng karunungan sa paglinang ng kritikal at moral na kaisipan ng mga kabataan. Ginamit sa pag-aaral ang descriptive-correlational na disenyo na sinusuportahan ng structured questionnaire at interval scale upang makalap ang datos mula sa mga mag-aaral. Ang resulta ng pag-aaral ay magsisilbing batayan para sa mga rekomendasyon na magpapalalim ng kamalayan at pagpapahalaga sa karunungang bayan bilang mahalagang sangkap sa paghubog ng kritikal at moral na pag-iisip ng mga kabataan. 

Susing Salita: Panitikan, Karunungang Bayan, Pagsusuri, Kritikal na kaisipan, Moral na Kaisipan, 


Paglalahad ng Suliranin

     Ang pag-aaral na ito ay naglalayong tukuyin at alamin ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral mula sa kaisipan na nakapaloob sa mga karungang bayan ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan sa Bayan ng Victoria.

Sasagutin sa pag-aaral na ito ang mga susunod na katanungan:

1. Ano ang mahalagang kaisipan ang nakapaloob sa karunungan bayan batay sa: 

1.1 salawikain

1.2 sawikain

1.3 bugtong

2. Ano ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral batay sa:

2.1 moral

2.2 kritikal

3. Mayroon bang mahalagang kaugnayan ang karunungang bayan sa paglinang ng kakayang moral at kritikal ng mga mag-aaral?

4. Mayroon bang makabuluhang kaibahan ang mga indikador sa mga kaisipan na nakapaloob sa karungang bayan?

5. Mayroon bang makabuluhang kaibahan ang mga indikador sa antas ng kaalaman ng mga mag-aaral?

6. Batay sa kinalabasan ng pag-aaral, anong awtput ang maaaring mabuo?

ANG DAAN NG GINTO

     Sa ilalim ng mainit na araw, nakaupo si Mang Kardo sa gilid ng lansangan, hawak ang lata niyang puno ng mga barya mula sa mga nagmalasa...