Tuesday, November 19, 2024

Ang Paggamit ng Wikang Filipino bilang Midyum sa Pagtuturo sa Kursong Humanidades at Agham Panlipunan

 

            Sa larangan ng edukasyon, isang mahalagang aspeto ang paggamit ng wikang Filipino sa bilang midyum sa pagtuturo sa paaralan. Hindi lamang ito’y nagsisilbing instrumento sa pakikipagkomunikasyon kundi isang paraan upang mas madaling maunawaan at matutunan ng mga mag-aaral ang mga aralin. Sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino, ang mga estudyante ay nagkakaroon ng pagkakataon na mas malawakang maunawaan ang mga konsepto ng bawat asignatura. Ngunit, ano nga ba epekto ng paggamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan katulad na lamang ng kursong Humanidades at Agham Panlipunan? Ano ang epekto nito sa mga mag-aaral kung ang ginagamit ng midyum sa pagtuturo na wikang Ingles ay papalitan ng wikang Filipino?

Ang wika ay may mahalagang papel na ginagampanan sa ating bansa na hindi lamang ginagamit sa pagpapahayag ng impormasyon at kaisipan kundi pati na rin sa iba’t ibang larangan. Ang paggamit nito sa larangan ng edukasyon, partikular na sa mga kursong Humanidades at Agham Panlipunan na nagsisilbing paaran tungo sa mas malalim na pag-unawa sa ating kultura, kasaysayan, at lipunan. Ang paggamit ng wikang Filipino ay nagbibigay-daan sa mas epektibo at malawak na partisipasyon ng mga mag-aaral. Ayon nga kay Dr. Ricardo Nolasco, dating Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, "Ang wika ay hindi lamang kasangkapan ng komunikasyon kundi kasangkapan din ng pagkatuto at pag-unlad" (Nolasco, 2008). Alam naman natin na hindi lahat ng estudyante ay may parehong antas ng kasanayan sa Ingles na karaniwang ginagamit sa pagtuturo sa mga unibersidad. Kaya naman, mas mainam na gamitin ang bernakular na wika sa pagtuturo sa mga paaralan. Sa paggamit ng Filipino, ang mga hadlang sa pagkatuto ay nababawasan at ang mga mag-aaral ay may kumpiyansa at mas mahusay sa kanilang mga pag-aaral. Ito ay tumutulong sa paglinang ng kakayahang komunikatibo ng mga mag-aaral, maging sa pasulat man at pasalita. Gayundin, marami mang pabor sa paggamit ng wikang banyaga bilang midyum sa pagkatuto sapagkat ito ang ginagamit at ang tinuturing na universal language, makikita pa rin natin ang kakulangan ng pag-unawa ng mga mag-aaral sa mga asignatura at mga aralin sa mga paaralan. Ayon naman sa isang guro sa Mataas na Paaralan ng Macatoc, hindi maalis sa mga guro ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtatalakay ng mga konsepto at aralin sa agham at panlipunan. Nakikita nila na mas nagiging epektibo at aktibo ang mga mag-aaral kung sariling wika ang gagamitin bilang midyum sa pagtatalakay.  

 Ayon nga sa pag-aaral ni Bonifacio Sibayan (1999), ang paggamit ng wikang Filipino sa edukasyon ay nagtataguyod ng mas epektibong pagkatuto dahil mas nauunawaan ng mga mag-aaral ang konsepto sa kanilang sariling wika. Ang bawat klase sa isang paaralan ay magiging mas aktibo’t epektibo dahil sa malinaw at maayos na pakikipagkomunikasyon ng mga mag-aaral sa kanilang kapwa estudyante pati na rin sa kanilang mga guro habang nag-aaral. Sa ganitong paraan, magiging masaya at hindi makikita ang kahadlangan ng mga mag-aaral na matuto’t magbahagi ng kaalaman at kaisipan gamit ang kanilang bernakular na wika. Bagama’t may mga hamon sa paggamit ng Filipino sa mga paaralan, tulad ng kakulangan sa mga materyales sa pagtuturo, kakulangan ng katumbas ng mga salita at limitadong kaalaman ng ilang guro sa akademikong Filipino, magiging mainam pa rin na magtulungan ang mga guro’t mag-aaral sa pagpapayabong ng wikang Filipino hindi lang sa larangan ng edukasyon kundi pati na rin sa iba’t ibang larangan    at kurso.

Sa kabuuan, ang paggamit ng wikang Filipino bilang midyum sa larangan ng Humanidades at Agham Panlipunan ay mahalaga sa mas mainam na pagkatuto ng mga mag-aaral sa mga asignatura at aralin. Ang paggamit ng wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay isang malaking hakbang sa mas malinaw at maayos na pagpapalabas ng komprehensibong pagkatuto ng mga estudyante. Ito’y nagsisilbing paraan sa mas epektibong papapahayag ng kaalaman at kaisipan na nauunawaan at mas naiintindihan ng mga mag-aaral. Bagama’t maraming hamon sa paggamit nito, ito’y magiging tulay sa aktibo at masayang talakayan ng mga guro’t mag-aaral sa mga paaralan. Sa ganitong paraan, hindi lamang sa larangan ng edukasyon na gagamit ito, kundi pati na rin nagsisilbing tulay na rin sa pagpapaunlad ng wikang Filipino.

Sanggunian:

Sibayan, B. (1999). "The Intellectualization of Filipino and Other Essays on Education and Sociolinguistics." Manila: The Linguistic Society of the Philippines

Nolasco, R. (2008). Wikang Filipino: Kasangkapan ng Edukasyon. Komisyon sa Wikang Filipino. https://www.scribd.com/document/509697784/KABANATA-I      

https://rmn.ph/paggamit-ng-filipino-bilang-linggwahe-sa-pagtuturo-inirerekomenda-ng-grupo-ng-mga-guro-kay-pbbm/#google_vignette

No comments:

Post a Comment

ANG DAAN NG GINTO

     Sa ilalim ng mainit na araw, nakaupo si Mang Kardo sa gilid ng lansangan, hawak ang lata niyang puno ng mga barya mula sa mga nagmalasa...