Tuesday, November 19, 2024

PAGSUSURI NG PELIKULA (SEVEN SUNDAYS)


Seven Sundays

ni Cathy Garcia-Molina

                                                                    Pagsusuri                                                

I. Panitikan

A. Uri ng Panitikan – Pelikula – Sumasalamin sa realidad ng isang pamilya

B. Pamagat: Seven Sundays

Isa sa pelikulang Pilipinong nagpapakita ng kasalukuyang kalagayan ng isang pamilya sa lipunan. Ipinapakita rito ang mga realistikong hamon at tagumpay na maaaring harapin ng bawat pamilya. Isang pagsasalaysay sa halaga ng pamilya at pagkakaroon ng malasakit sa isa't isa sa gitna ng mga pagbabago at pag-unlad sa buhay. Ito ay inspirasyon upang maunawaan ang halaga ng pamilya at mga pagkakataon na magbago at magkaruon ng mas malalim na koneksyon sa isa't isa.

C. Tauhan               

Capt. Manuel Bonifacio (Ronald Valdez) – Byudo na may apat na anak. Sinabing siya ay may sakit sa baga at pitong linggo na lamang ang itatagal niya kaya naman gusto n’yang makasama ang kanyang mga anak sa mga natitira niyang oras.

Allan Bonifacio (Aga Muhlach) – Ang Panganay na anak. Siya ang namamahala sa ABC's Family Store, isang negosyo ng pamilya na itinatag ng kanyang ama. Siya rin ay nahihirapan na matustusan ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya kaya naman nagkaroon siya ng inggit sa kan’yang kapatid na si Bry na isang matagumpay sa buhay.

Bryan “Bry” Bonifacio (Dingdong Dantes) – Ang pangunahing tagapagtaguyod ng pamilya. Siya ay isang matagumpay na business manager at abogado; gayunpaman, nakikita siya bilang isang kontrabida at mayabang sa kaniyang pamilya at nais niyang makilala ang kan’yang sariling anak.

Charity “Cha” Bonifacio (Cristine Reyes) – Ang nag-iisang anak na babae ng pamilya. Namana niya ang karamihan sa mga katangian ng kanyang yumaong ina, tulad ng kanyang husay sa pagluluto tulad ng ipinakita sa pagluluto ng Pancit Bihon. Nagkaroon siya ng pagharap sa isyu ng babaero niyang asawa.

Dexter “Dex” Bonifacio (Enrique Gil) – Ang bunsong anak ng pamilya na lumayo ang loob sa mga kapatid at ama. Tinatakasan niya ang isyu sa pagdawit sa kaniya bilang isang manloloko sa dati nitong pinagtratrabahuan.

II. Mga Reaksyon

A. Sa mga nagsiganap

1. Ronald Valdez – Isang magaling na aktor na bagay na bagay bilang isang ama sa pelikula. Sa buong istorya, nabigyan niya ng magandang karakter ang pagiging ama na binigyan niya ng buhay ang bawat detalye o linya na kaniyang binibigkas kasama na rito ang mga emosyon at damdamin sa bawat tagpo.

2. Aga Muhlach – Mahusay sa pagganap si Aga sa karakter niyang si Allan sa pelikula. Maayos niyang ipinakita ang kanyang pagganap sa paraan kung paano niya nailahad ang proseso ng pagbabago at pag-unlad ng karakter ni Allan mula sa simula hanggang sa pagwawakas ng pelikula. Sa buong pelikula, makikita ang labis na pakimkim ng mga linya na nagbibigay sabik at emosyon sa bawat tagpo ng mga pangyayari na nagpupukaw ng pansin sa mga manonood.

3. Dingdong Dantes – Sa kanyang pagganap, ipinakita ni Dingdong Dantes ang kahusayan sa pag-arte at kakayahan na dalhin sa buhay ang mga emosyon ng kanyang karakter. Ang kanyang pagganap ay nagdala ng malalim na emosyon at pagkakaunawa sa mga manonood, lalo na sa linyang “Do you even know what I went through? What I have to give up just to help you? Hindi, to the point that I can’t be a father to my own son”, ni bryan. Ipinakita niya ng maayos ang pagbibitaw ng linya na lalong nagpa-relate sa mga manonood.

4. Cristine Reyes – Bumagay ang karakter niya bilang si Cha sa pelikula na kung saan ipinakita niya ang husay niya bilang aktres sa pagbibigay-buhay sa kanyang karakter at pagpapakita ng mga kumplikadong emosyon na kaugnay ng pagiging parte ng isang pamilya na nagdaranas ng mga pagsubok at pag-asa. Magaling niyang ipinahayag ang masalimuot na mga pag-iyak, pagkabalisa, at pag-aalala para sa kanilang pamilya na gusto niyang mabuo ulit.

5. Enrique Gil – Ang galling niya! Dati napapanood ko lang siya palagi kasama ang katambal niya na si Liza pero rito, mahusay niyang ginampanan ang karakter niya bilang si Dex. Binigyang buhay ni Enrique ang pagkakataon na ipakita ang kanyang husay sa pag-arte sa pamamagitan ng kanyang makatotohanang pagganap, kahusayan sa mga eksenang emosyonal, at pagkakahulog ng loob ng manonood sa kanyang karakter. Ipinakita niya ang kakayahan niyang magdala ng buhay sa mga salita at kilos ng kanyang karakter bilang isang bunsong naghahanap ng kalinga ng isang pamilya.

B. Istilo ng Manunulat ng Iskrip

            Maayos na inilahad ang bawat pangyayari sa pelikula. Ito ay nagpapakita ng pagiging makatotohanan na realidad ng isang pamilya sa isang lipunan. Nabatid ko rin na natural na pag-uusap lamang ang mga linyang binibitawan ng mga karakter at hindi kinikitaan ng mga eksenang na masyadong scripted. Ito ang nagbibigay daan sa mga aktor na maipakita ang kanilang natural na emosyon at reaksyon na nagbibigay buhay sa mga karakter at nagpapalapit sa mga manonood sa kanilang mga kwento.  Sa pamamagitan ng mga matitinong eksena at mahusay na pagsusuri ng mga emosyon, nagiging konektado ang mga manonood sa mga karakter at sa kanilang mga pinagdadaanan. Ito ay nagbigay ng makabagong pagsasalaysay na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaroon ng malalim na koneksyon sa pagitan ng mga pamilya, at ng pag-aayos at pagpapatawad sa kabila ng mga pagkukulang at pagkakamali.

C. Istilo ng Pagdidirihe

                Sa direksyon ng direktor na si Cathy Garcia-Molina, ipinakita niya ang kanyang kakayahang ilabas ang totoong emosyon ng mga aktor at mapahayag ang mga damdamin ng mga karakter. Dito makikita ang malalim na epekto ng emosyon sa pag-arte ng mga tauhan, lalo na sa mga malalalim na eksena ng pag-aaway, pagluha, at pagpapakumbaba. Sa paggamit ng mga diyalogo, ang mga karakter ay nag-uusap nang natural at may kasamang mga linya na puno ng emosyon. Mula sa unang tagpo hanggang sa huli, isinalaysay ng maayos at may kahusayan ang bawat detalye na nagpukaw sa atensyon ng mga mambabasa.

D. Mga Teoryang Pampanitikan

1. Realismo – Ipinakita ng pelikula ang realidad na kalagayan ng isang pamilya sa lipunan. Ipinapakita nito ang mga pangarap, pagkukulang, at mga pagsubok na maaring harapin ng bawat pamilya sa tunay na buhay. Ang mga pagsubok na kinaharap nina Allan, Bry, Cha, at Dex ay nagsasalaysay ng mga natural na mga problema ng magkakapatid na magtampuhan at magkaunawaan sa isa’t isa.

2. Feminismo – Sa pelikula makikita rin ang teoryang Feminismo. Ang karakter ng ina na si Cha ay nagpapakita ng mga hamon at kakayahan ng kababaihan na maging matagumpay sa pamilya at sa kanilang karera. Dito ipinakita ang kakayahan ng isang babae na maging matatag sa kabila ng mga hamon sa buhay lalo na ang harapin ang isyu ng pambabae ng kaniyang asawa.

3. Dekonstruksyon – Ito ay nagpapakita ng pagdadala ng pagkukulang at hindi pagkakaunawaan. Ipinapakita rito ang perspektibong dekonstruksyon na kung saan makikita ang komplikasyon at hindi malinaw na depinasyon ng pamilya. Ito ay nagbigay-diin sa kung paano ang pamilya ay hindi laging perpekto, may pagkukulang at may mga hindi pagkakaunawaan na maaring umusbong.

4. Strukturalismo – Gumamit ang pelikula ng “pitong linggo” na maaaring simbolismo ng pag-aalaga at pagkaka-ugnay ng pamilya sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba. Ipinakita rito ang iba’t ibang tema o element na nagbigay ng representasyon upang magbigay ng mas malalim na pag-unawa ang mga manonood.

III. Bisang Pampanitikan

A.   Bisa sa Isip – Ang naitatak sa aking isipan na isang pamilya ay hindi perpekto. Maraming pagsubok ang dumadating sa isang pamilya at ito ay malalagpasan kung ang lahat ng miyembro ay may komunikasyon sa isa’t isa. Isa pa, ang isang babae ay hindi babae lang. Ang babae ay pwede maging isang ama sa mga anak nila na hindi kailangan ng isang babaerong asawa.

B.   Bisa sa Damdamin – Bawat karakter ay nagbigay ng malalim na damdamin at emosyon sa bawat detalye, diyalogo o linya ng mga pangyayari. Ito ay nagpukaw ng aking atensyon at mai-ugnay ang aking karanasan na nagbigay ng lungkot, at pangungulila sa panonood ng pelikula.        

C.   Bisa sa Kaasalan – Ang mensahe na mahihinuha sa pelikula ay may kinalaman sa pamilya, pagkakasundo, pagmamahal, pagpapatawad, at pagsusumikap. Ito ay isang inspirasyon para sa mga manonood na maunawaan ang halaga ng pamilya at mga pagkakataon na magbago at magkaruon ng mas malalim na koneksyon sa isa't isa. Ipahayag din na ang isang pamilya ay hindi perpekto kaya naman dapat magkaroon ng komunikasyon ang bawat miyembro ng pamilya.

D.   Bisa sa Lipunan – Dito makikita ang kahalgahan ng pakikisama at pagkakapantay-pantay sa pamilya. Ipinapakita ng pelikula na sa kabila ng mga hidwaan, tampuhan, at mga pagkakasalungatan sa loob ng pamilya, ang pagmamahalan at pagpapatawad ay mananatili.


s

sasanggunian ng larawan: https://www.filcatholic.org/11231-2/

No comments:

Post a Comment

ANG DAAN NG GINTO

     Sa ilalim ng mainit na araw, nakaupo si Mang Kardo sa gilid ng lansangan, hawak ang lata niyang puno ng mga barya mula sa mga nagmalasa...