“Hangga’t kaya ko igapang ang pag-aaral ko, sisikapin ko para makapagtapos ako at iahon ang pamilya ko sa hirap”, saad ni Jenalyn sa kaniyang sarili habang nag-aabang ng sasakyang jeep papunta sa kanilang paaralan.
Kasabay ng init sa paghihintay ng
sasakyan, tiningnan niya sa kaniyang palad ang kakarampot pera na kinita niya
sa pagbebenta sa paaralan na kakanin. Ngunit sa kabila nito, ngumiti na lamang
si Jenalyn at inisip na siya ay makakabawi pa sapagkat may panibago siyang
ititinda sa mga kaklase at guro niya na puto, kutsinta at sinukmani. Araw-araw
lagi siyang may bitbit na bilao ng kakanin at iikutin ang bawat silid-aralan
upang magtinda ng luto niya.
“Oh anak, pabili nga ng isang balot
mong puto”, saad ng guro niya sa asignaturang Filipino. Sinuklian niya ang
bayad ng kaniyang guro ngunit binalik na lamang nito at sinabing sakaniya na
lamang para maidagdag sa puhunan niya sa kaniyang mga paninda.
“Nakakahiya naman po ma’am pero
salamat po! Sa susunod po kuha kayo sa’kin at libre na po”, nakangiting sagot
niya sa kaniyang guro na si Ma’am Castro.
Natapos ang isang araw niya sa
paaralan na ubos ang paninda niyang kakanin. Habang naglalakad siya patungo sa
sakayan ay binibilang niya ang bawat salapi na nakuha niya rito. Hindi man
gano’n kalaki ang kinikita niya ay may ngiti pa rin sa labi si Jenalyn.
Pagkauwi niya sa kanilang bahay ay nakita niya ang kaniyang nanay na
nagsasaing sa munti nilang tungko at naghahanda na rin ng kanilang ulam na
sardinas na may malunggay.
“Nay nandito na po ako. Naubos ko nga po pala ‘yong paninda ko ulit nay”, saad niya na nakangiti sa kaniyang nanay Melly. Kahit pagod galing sa paaralan ay sinisikap ni Jenalyn na magpakita sa kaniyang nanay na masaya at parang walang pagod na gawin ang pag-aaral at pagtitinda sa paaralan.
“Nak salamat naman at naubos ang paninda mo. Mayroon na tayong pandagdag sa pampagamot ng tatay mo. Pasensya na ha at nagpagsasabay mo ang pag-aaral at pagtitinda”, saad ni nanay Melly kay Jenalyn na naghihimay na ng malunggay na nasa lamesa.
“Wala po ‘yon nay, ang mahalaga po ay may pandagdag na po tayo para kay tatay. Asan na po ba si tatay nay?”, malambing na tanong niya sa kaniyang nanay habang pinipigilang umiyak sa harap niya. Ang kaniyang tatay Joey ay may sakit sa baga kaya naman pinigilan na nila itong magtrabaho at magpahinga na lamang sa kanilang bahay.
“Ay nandon nak sa kwarto at
hinihintay ka umuwi kanina pa”, saad ng nanay niya. Habang papalapit si Jenalyn
ay bigla na lang tumutulo ang kaniyang mga luha dahil nasasaktan siya sa nakikita
niya na ang kaniyang tatay ay nakahiga sa kama. Simula kasi na huminto ito sa
pagmamasada ng tricycle dahil sa kaniyang sakit ay nagsimula na rin ito mamayat
at nawalan nang gana sa pagkain.
“Salamat anak ha, alam kong mahirap
pagsabayin ang pag-aaral at pagtitinda ay ginagawa mo para sa amin ng nanay mo.
Hindi naman naming ‘to hiniling pero sinisipagan mo para sa amin. Napalaki nga
kita ng masipag at mapagmahal. Salamat anak ha, kapag gumaling na si tatay ay
babawi ako sa’yo”, naiiyak na banggit ng kaniyang ama.
Agad bumalik ang mga masasayang
alaala nina Jenalyn at ng kaniyang pamilya na minsan na pumapasyal pa sa
paborito nilang lugar na sakay sa tricycle ng kaniyang ama. Masakit man isipin
ulit ang mga pangyayaring ‘to ngunit mananatili pa rin sa puso’t isipan niya
ang lahat ng masayang alaala ng kaniyang pamilya. Hindi man gano’n karangya ang
buhay niya kasama si nanay Melly at tatay Joey, makikita sakaniya ang
kasipagan, katatagan at mapagmahal na anak na bilin sakaniya ng kaniyang mga
magulang.
“Opo tay, pagsisipagan ko pa po para
sainyo ni nanay at magiging isang ganap na guro po ako balang araw”, masayang
saad niya habang nakayakap sa kaniyang ama.
sanggunian ng larawan: https://www.deviantart.com/arikodi/art/A-Child-Street-Vendor-with-a-Dream-671708750

No comments:
Post a Comment