Ngayong linggo, dumaan sa aming lugar ang Bagyong Kristine, isa sa mga pinakamalakas na bagyo na tumama sa bansa ngayong taon. Hindi biro ang lakas ng hangin at bugso ng ulan na dala nito, dahilan upang ihinto ang karamihan ng mga pasok sa trabaho at eskwela.
Habang ako'y nanonood ng balita sa aming telebisyon, tanging lungkot at pangamba lang ang naramdaman ko ng nakikita ko ang mga lugar na binaha at inanod na ng tuluyan sa lakas ng ulan at hangin dala ng bagyong Kristine. Maraming pamilya ang nawalan ng tahanan at kabuhayan, at sa loob ng ilang oras, nagbago ang anyo ng kanilang komunidad. Ang mga kalsadang nagmistulang ilog, mga bahay na nalubog sa tubig, at mga alaalang napinsala ng rumaragasang ulan.
Sa aming tahanan, ang tubig ay malapit ng umabot hanggang tuhod, at bagaman hindi kalakihan ang pinsala, ramdam pa rin namin ang hirap na dulot nito. Walang kuryente, walang maayos na tubig at tila ba tumigil ang buong araw para sa amin. Ngunit sa gitna ng ganitong sitwasyon, naroon pa rin ang aming pasasalamat. Alam naming mas mahirap pa ang sinapit ng ibang mga komunidad na sinalanta ng bagyo.
Sa tuwing dumadaan sa aking newsfeed ang mga litrato ng mga kababayan natin sa facebook, tumitimo sa aking isipan ang lungkot at bigat ng trahedyang dala ng bagyo. May mga nawalan ng tahanan, mga ari-arian, at pinakamalungkot sa lahat, mga mahal sa buhay. Para sa kanila, hindi lamang ito simpleng unos ngunit ito'y pagdurusang dala ng kawalan ng kontrol sa kalikasan at sa kasalukuyang kakulangan ng sapat na tugon mula sa mga kinauukulan.
Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng ito, nakita ko na nariyan ang mga taong handang tumulong – mga kapitbahay na nagdadamayan, mga boluntaryo na nag-aalok ng kanilang mga sarili, at ang mga lokal na opisyal na sinisiguradong makarating ang tulong sa mga nangangailangan. Nakakaantig na makita na sa gitna ng unos ay nariyan ang pagbibigay-buhay ng pag-asa at pagmamalasakit.
Sa kabila ng pagkawala ng kuryente, ginamit ko ang pagkakataong iyon upang magpahinga at magmuni-muni. Ang bawat pagyanig ng hangin at pagpatak ng ulan ay tila isang paalala ng mga hamong darating at ang aming katatagan ang magsisilibing gabay upang kami ay makaahon muli. At alam kong isa lamang ito sa mga bagyong kaya naming lagpasan ulit nang mas matatag at malakas. Marami man ang napinsala sa aming bahay kasama na ang maraming kalat, pagbaha at pagkawala ng tubig at kuryente, nagpapasalamat pa rin ako na ligtas kami mula sa bagyong Kristine.
sanggunian ng larawan: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2024/10/24/2394793/bicol-pinalubog-ni-kristine-7-patay/amp/

No comments:
Post a Comment