Iibigin kang wagas,
Sinisinta kong mahal,
Ikaw ang aking lakas
Ang aking dinadasal.
sanggunian ng larawan: https://pixabay.com/photos/heart-love-sunset-shape-sign-3147976/
Ako si Janna Grace Cuevas, isang masugid na manunulat. Mahilig akong magsulat tungkol sa mga kwento at karanasang kumakatawan sa samu't saring aspeto ng buhay. Magbasa, magbigay ng inyong mga saloobin, at sama-sama tayong matuto mula sa mga karanasang ating pinagdadaanan.
Iibigin kang wagas,
Sinisinta kong mahal,
Ikaw ang aking lakas
Ang aking dinadasal.
sanggunian ng larawan: https://pixabay.com/photos/heart-love-sunset-shape-sign-3147976/
Ang pagkakaroon ng edukasyong bilingwal sa elementarya ay nakatutulong sa mabilis na pagkatuto ng mga mag-aaral. Alam naman natin na kahit sila ay bata pa, dahil tayo ay nasa modernong panahaon na, natutunan ko na mas maiging imulat na sila sa paggamit ng pangalawang wika. Ito ay hindi ang pagpalit sa paggamit ng unang wikang kinagisnan kundi ang pagkakaroon nila ng kakayahan na gamitin ito sa kanilang pag-aaral. Mayroong mga estratehiya ang mga guro upang mas maging madali ang pagkatuto ng mga mag-aaral na dahil na lamang sa pagkakaroon ng edukasyong bilingwal, mas natutuhan ng mga mag-aaral ang aralin kasabay na ang pagkatuto nila sa iba pang wika. Gayundin, sa pamamagitan ng SLK o self learning kit, ang mga mag-aaral ay nagkakaroon ng kakayahan na matutuhan na gumawa at mag-isip ng gamit ang kanilang natutunan sa paaralan. Sa pamamagitan nito, nailalabas nila ang kanilang sariling kakayahan sa pagkatuto gamit ang SLK.
Sa kabilang banda, ang pagkakaroon din ng edukasyong bilingwal sa mga sekondarya ay nagiging daan sa mas epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral sa sekondarya gamit ang mga natutuhan nila sa iba’t ibang asignatura na mahahasa ang kanilang kakayahan sa sining at akademikong kakayahan. Natutunan ko na dahil sa pagkakaroon natin ng dalawang wika sa pag-aaral, mas nagiging madali ang pag-aadapt ng mga mag-aaral sa mga aralin. Ito ang nagiging paraan upang mas madaling maunawaan nila ang mga Gawain na maghuhubog sa kanilang kakayahan sa pagtatahi, pagluluto, at iba pang gawaing pambokasyunal. Gayundin, sa pamamagitan nito, hindi lamang mahuhubog ang kanilang kakayahan sa akademiko kundi pati na rin ang kakayahan sa edukasyong pambokasyunal.
Sa kabuuan, mahalaga ang edukasyong bilingwal sa mas epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya. Ang paggamit nito sa bawat paaralan ay mas nagiging madali at mahusay ang pagtuturo ng mga guro gamit ang dalawang wika sa mga asignatura na kanilang tinuturuan. Ito ang nagbigay sa’kin ng kaalaman na hindi lamang tayo dapat maalam sa unang wika natin kundi pati na rin sa pangalawang wika lalo na sa wikang Ingles. Kaya naman natutunan ko na ang edukasyong bilingwal ay hindi lamang isang estratehiya sa pagtuturo ng wika, kundi isang mahalagang bahagi ng kabuuang pag-unlad ng mga mag-aaral maging ito man ay elementarya o sekondarya.
sanggunian ng larawan: https://pin.it/3g4s7knwS
“Hangga’t kaya ko igapang ang pag-aaral ko, sisikapin ko para makapagtapos ako at iahon ang pamilya ko sa hirap”, saad ni Jenalyn sa kaniyang sarili habang nag-aabang ng sasakyang jeep papunta sa kanilang paaralan.
Kasabay ng init sa paghihintay ng
sasakyan, tiningnan niya sa kaniyang palad ang kakarampot pera na kinita niya
sa pagbebenta sa paaralan na kakanin. Ngunit sa kabila nito, ngumiti na lamang
si Jenalyn at inisip na siya ay makakabawi pa sapagkat may panibago siyang
ititinda sa mga kaklase at guro niya na puto, kutsinta at sinukmani. Araw-araw
lagi siyang may bitbit na bilao ng kakanin at iikutin ang bawat silid-aralan
upang magtinda ng luto niya.
“Oh anak, pabili nga ng isang balot
mong puto”, saad ng guro niya sa asignaturang Filipino. Sinuklian niya ang
bayad ng kaniyang guro ngunit binalik na lamang nito at sinabing sakaniya na
lamang para maidagdag sa puhunan niya sa kaniyang mga paninda.
“Nakakahiya naman po ma’am pero
salamat po! Sa susunod po kuha kayo sa’kin at libre na po”, nakangiting sagot
niya sa kaniyang guro na si Ma’am Castro.
Natapos ang isang araw niya sa
paaralan na ubos ang paninda niyang kakanin. Habang naglalakad siya patungo sa
sakayan ay binibilang niya ang bawat salapi na nakuha niya rito. Hindi man
gano’n kalaki ang kinikita niya ay may ngiti pa rin sa labi si Jenalyn.
Pagkauwi niya sa kanilang bahay ay nakita niya ang kaniyang nanay na
nagsasaing sa munti nilang tungko at naghahanda na rin ng kanilang ulam na
sardinas na may malunggay.
“Nay nandito na po ako. Naubos ko nga po pala ‘yong paninda ko ulit nay”, saad niya na nakangiti sa kaniyang nanay Melly. Kahit pagod galing sa paaralan ay sinisikap ni Jenalyn na magpakita sa kaniyang nanay na masaya at parang walang pagod na gawin ang pag-aaral at pagtitinda sa paaralan.
“Nak salamat naman at naubos ang paninda mo. Mayroon na tayong pandagdag sa pampagamot ng tatay mo. Pasensya na ha at nagpagsasabay mo ang pag-aaral at pagtitinda”, saad ni nanay Melly kay Jenalyn na naghihimay na ng malunggay na nasa lamesa.
“Wala po ‘yon nay, ang mahalaga po ay may pandagdag na po tayo para kay tatay. Asan na po ba si tatay nay?”, malambing na tanong niya sa kaniyang nanay habang pinipigilang umiyak sa harap niya. Ang kaniyang tatay Joey ay may sakit sa baga kaya naman pinigilan na nila itong magtrabaho at magpahinga na lamang sa kanilang bahay.
“Ay nandon nak sa kwarto at
hinihintay ka umuwi kanina pa”, saad ng nanay niya. Habang papalapit si Jenalyn
ay bigla na lang tumutulo ang kaniyang mga luha dahil nasasaktan siya sa nakikita
niya na ang kaniyang tatay ay nakahiga sa kama. Simula kasi na huminto ito sa
pagmamasada ng tricycle dahil sa kaniyang sakit ay nagsimula na rin ito mamayat
at nawalan nang gana sa pagkain.
“Salamat anak ha, alam kong mahirap
pagsabayin ang pag-aaral at pagtitinda ay ginagawa mo para sa amin ng nanay mo.
Hindi naman naming ‘to hiniling pero sinisipagan mo para sa amin. Napalaki nga
kita ng masipag at mapagmahal. Salamat anak ha, kapag gumaling na si tatay ay
babawi ako sa’yo”, naiiyak na banggit ng kaniyang ama.
Agad bumalik ang mga masasayang
alaala nina Jenalyn at ng kaniyang pamilya na minsan na pumapasyal pa sa
paborito nilang lugar na sakay sa tricycle ng kaniyang ama. Masakit man isipin
ulit ang mga pangyayaring ‘to ngunit mananatili pa rin sa puso’t isipan niya
ang lahat ng masayang alaala ng kaniyang pamilya. Hindi man gano’n karangya ang
buhay niya kasama si nanay Melly at tatay Joey, makikita sakaniya ang
kasipagan, katatagan at mapagmahal na anak na bilin sakaniya ng kaniyang mga
magulang.
“Opo tay, pagsisipagan ko pa po para
sainyo ni nanay at magiging isang ganap na guro po ako balang araw”, masayang
saad niya habang nakayakap sa kaniyang ama.
sanggunian ng larawan: https://www.deviantart.com/arikodi/art/A-Child-Street-Vendor-with-a-Dream-671708750
Seven Sundays
ni Cathy Garcia-Molina
Pagsusuri
I. Panitikan
A. Uri ng Panitikan –
Pelikula – Sumasalamin sa realidad ng isang pamilya
B. Pamagat: Seven Sundays
Isa
sa pelikulang Pilipinong nagpapakita ng kasalukuyang kalagayan ng isang pamilya
sa lipunan. Ipinapakita rito ang mga realistikong hamon at tagumpay na maaaring
harapin ng bawat pamilya. Isang pagsasalaysay sa halaga ng pamilya at
pagkakaroon ng malasakit sa isa't isa sa gitna ng mga pagbabago at pag-unlad sa
buhay. Ito ay inspirasyon upang maunawaan ang halaga ng pamilya at mga
pagkakataon na magbago at magkaruon ng mas malalim na koneksyon sa isa't isa.
C. Tauhan
Capt. Manuel Bonifacio
(Ronald Valdez) – Byudo na may apat na anak. Sinabing siya ay may sakit sa baga
at pitong linggo na lamang ang itatagal niya kaya naman gusto n’yang makasama
ang kanyang mga anak sa mga natitira niyang oras.
Allan Bonifacio
(Aga Muhlach) – Ang Panganay na anak. Siya ang namamahala sa ABC's Family
Store, isang negosyo ng pamilya na itinatag ng kanyang ama. Siya rin ay
nahihirapan na matustusan ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya kaya
naman nagkaroon siya ng inggit sa kan’yang kapatid na si Bry na isang
matagumpay sa buhay.
Bryan “Bry” Bonifacio
(Dingdong Dantes) – Ang pangunahing tagapagtaguyod ng pamilya. Siya ay isang
matagumpay na business manager at abogado; gayunpaman, nakikita siya bilang
isang kontrabida at mayabang sa kaniyang pamilya at nais niyang makilala ang
kan’yang sariling anak.
Charity “Cha” Bonifacio
(Cristine Reyes) – Ang nag-iisang anak na babae ng pamilya. Namana niya ang
karamihan sa mga katangian ng kanyang yumaong ina, tulad ng kanyang husay sa
pagluluto tulad ng ipinakita sa pagluluto ng Pancit Bihon. Nagkaroon siya ng
pagharap sa isyu ng babaero niyang asawa.
Dexter “Dex” Bonifacio
(Enrique Gil) – Ang bunsong anak ng pamilya na lumayo ang loob sa mga kapatid
at ama. Tinatakasan niya ang isyu sa pagdawit sa kaniya bilang isang manloloko
sa dati nitong pinagtratrabahuan.
II. Mga Reaksyon
A. Sa mga nagsiganap
1. Ronald Valdez – Isang magaling na aktor
na bagay na bagay bilang isang ama sa pelikula. Sa buong istorya, nabigyan niya
ng magandang karakter ang pagiging ama na binigyan niya ng buhay ang bawat
detalye o linya na kaniyang binibigkas kasama na rito ang mga emosyon at
damdamin sa bawat tagpo.
2. Aga Muhlach – Mahusay sa pagganap si Aga
sa karakter niyang si Allan sa pelikula. Maayos niyang ipinakita ang kanyang
pagganap sa paraan kung paano niya nailahad ang proseso ng pagbabago at
pag-unlad ng karakter ni Allan mula sa simula hanggang sa pagwawakas ng
pelikula. Sa buong pelikula, makikita ang labis na pakimkim ng mga linya na
nagbibigay sabik at emosyon sa bawat tagpo ng mga pangyayari na nagpupukaw ng
pansin sa mga manonood.
3. Dingdong Dantes – Sa kanyang pagganap,
ipinakita ni Dingdong Dantes ang kahusayan sa pag-arte at kakayahan na dalhin
sa buhay ang mga emosyon ng kanyang karakter. Ang kanyang pagganap ay nagdala
ng malalim na emosyon at pagkakaunawa sa mga manonood, lalo na sa linyang “Do
you even know what I went through? What I have to give up just to help you?
Hindi, to the point that I can’t be a father to my own son”, ni bryan. Ipinakita
niya ng maayos ang pagbibitaw ng linya na lalong nagpa-relate sa mga manonood.
4. Cristine Reyes – Bumagay ang karakter
niya bilang si Cha sa pelikula na kung saan ipinakita niya ang husay niya
bilang aktres sa pagbibigay-buhay sa kanyang karakter at pagpapakita ng mga
kumplikadong emosyon na kaugnay ng pagiging parte ng isang pamilya na
nagdaranas ng mga pagsubok at pag-asa. Magaling niyang ipinahayag ang
masalimuot na mga pag-iyak, pagkabalisa, at pag-aalala para sa kanilang pamilya
na gusto niyang mabuo ulit.
5. Enrique Gil – Ang galling niya! Dati
napapanood ko lang siya palagi kasama ang katambal niya na si Liza pero rito,
mahusay niyang ginampanan ang karakter niya bilang si Dex. Binigyang buhay ni
Enrique ang pagkakataon na ipakita ang kanyang husay sa pag-arte sa pamamagitan
ng kanyang makatotohanang pagganap, kahusayan sa mga eksenang emosyonal, at
pagkakahulog ng loob ng manonood sa kanyang karakter. Ipinakita niya ang
kakayahan niyang magdala ng buhay sa mga salita at kilos ng kanyang karakter
bilang isang bunsong naghahanap ng kalinga ng isang pamilya.
B. Istilo ng Manunulat ng Iskrip
Maayos na inilahad ang bawat
pangyayari sa pelikula. Ito ay nagpapakita ng pagiging makatotohanan na
realidad ng isang pamilya sa isang lipunan. Nabatid ko rin na natural na
pag-uusap lamang ang mga linyang binibitawan ng mga karakter at hindi kinikitaan
ng mga eksenang na masyadong scripted. Ito ang nagbibigay daan sa mga aktor na
maipakita ang kanilang natural na emosyon at reaksyon na nagbibigay buhay sa
mga karakter at nagpapalapit sa mga manonood sa kanilang mga kwento. Sa pamamagitan ng mga matitinong eksena at
mahusay na pagsusuri ng mga emosyon, nagiging konektado ang mga manonood sa mga
karakter at sa kanilang mga pinagdadaanan. Ito ay nagbigay ng makabagong
pagsasalaysay na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaroon ng malalim na
koneksyon sa pagitan ng mga pamilya, at ng pag-aayos at pagpapatawad sa kabila
ng mga pagkukulang at pagkakamali.
C. Istilo ng Pagdidirihe
Sa
direksyon ng direktor na si Cathy Garcia-Molina, ipinakita niya ang kanyang
kakayahang ilabas ang totoong emosyon ng mga aktor at mapahayag ang mga
damdamin ng mga karakter. Dito makikita ang malalim na epekto ng emosyon sa
pag-arte ng mga tauhan, lalo na sa mga malalalim na eksena ng pag-aaway,
pagluha, at pagpapakumbaba. Sa paggamit ng mga diyalogo, ang mga karakter ay
nag-uusap nang natural at may kasamang mga linya na puno ng emosyon. Mula sa
unang tagpo hanggang sa huli, isinalaysay ng maayos at may kahusayan ang bawat
detalye na nagpukaw sa atensyon ng mga mambabasa.
D. Mga Teoryang Pampanitikan
1.
Realismo – Ipinakita ng pelikula ang realidad na kalagayan ng isang pamilya sa
lipunan. Ipinapakita nito ang mga pangarap, pagkukulang, at mga pagsubok na
maaring harapin ng bawat pamilya sa tunay na buhay. Ang mga pagsubok na
kinaharap nina Allan, Bry, Cha, at Dex ay nagsasalaysay ng mga natural na mga
problema ng magkakapatid na magtampuhan at magkaunawaan sa isa’t isa.
2.
Feminismo – Sa pelikula makikita rin ang teoryang Feminismo. Ang karakter ng
ina na si Cha ay nagpapakita ng mga hamon at kakayahan ng kababaihan na maging
matagumpay sa pamilya at sa kanilang karera. Dito ipinakita ang kakayahan ng
isang babae na maging matatag sa kabila ng mga hamon sa buhay lalo na ang
harapin ang isyu ng pambabae ng kaniyang asawa.
3.
Dekonstruksyon – Ito ay nagpapakita ng pagdadala ng pagkukulang at hindi
pagkakaunawaan. Ipinapakita rito ang perspektibong dekonstruksyon na kung saan
makikita ang komplikasyon at hindi malinaw na depinasyon ng pamilya. Ito ay nagbigay-diin
sa kung paano ang pamilya ay hindi laging perpekto, may pagkukulang at may mga
hindi pagkakaunawaan na maaring umusbong.
4. Strukturalismo
– Gumamit ang pelikula ng “pitong linggo” na maaaring simbolismo ng pag-aalaga
at pagkaka-ugnay ng pamilya sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba. Ipinakita
rito ang iba’t ibang tema o element na nagbigay ng representasyon upang
magbigay ng mas malalim na pag-unawa ang mga manonood.
III. Bisang Pampanitikan
A.
Bisa
sa Isip – Ang naitatak sa aking isipan na isang
pamilya ay hindi perpekto. Maraming pagsubok ang dumadating sa isang pamilya at
ito ay malalagpasan kung ang lahat ng miyembro ay may komunikasyon sa isa’t
isa. Isa pa, ang isang babae ay hindi babae lang. Ang babae ay pwede maging
isang ama sa mga anak nila na hindi kailangan ng isang babaerong asawa.
B.
Bisa
sa Damdamin – Bawat karakter ay nagbigay ng malalim
na damdamin at emosyon sa bawat detalye, diyalogo o linya ng mga pangyayari.
Ito ay nagpukaw ng aking atensyon at mai-ugnay ang aking karanasan na nagbigay
ng lungkot, at pangungulila sa panonood ng pelikula.
C.
Bisa
sa Kaasalan – Ang mensahe na mahihinuha sa pelikula
ay may kinalaman sa pamilya, pagkakasundo, pagmamahal, pagpapatawad, at
pagsusumikap. Ito ay isang inspirasyon para sa mga manonood na maunawaan ang
halaga ng pamilya at mga pagkakataon na magbago at magkaruon ng mas malalim na
koneksyon sa isa't isa. Ipahayag din na ang isang pamilya ay hindi perpekto
kaya naman dapat magkaroon ng komunikasyon ang bawat miyembro ng pamilya.
D.
Bisa
sa Lipunan – Dito makikita ang kahalgahan ng pakikisama
at pagkakapantay-pantay sa pamilya. Ipinapakita ng pelikula na sa kabila ng mga
hidwaan, tampuhan, at mga pagkakasalungatan sa loob ng pamilya, ang
pagmamahalan at pagpapatawad ay mananatili.
s
sasanggunian ng larawan: https://www.filcatholic.org/11231-2/
Sa larangan ng edukasyon, isang
mahalagang aspeto ang paggamit ng wikang Filipino sa bilang midyum sa pagtuturo
sa paaralan. Hindi lamang ito’y nagsisilbing instrumento sa
pakikipagkomunikasyon kundi isang paraan upang mas madaling maunawaan at
matutunan ng mga mag-aaral ang mga aralin.
Sa pamamagitan ng paggamit ng wikang
Filipino, ang mga estudyante ay nagkakaroon ng pagkakataon na mas malawakang
maunawaan ang mga konsepto ng bawat asignatura. Ngunit, ano nga ba epekto ng
paggamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang larangan katulad na lamang ng
kursong Humanidades at Agham Panlipunan? Ano ang epekto nito sa mga mag-aaral
kung ang ginagamit ng midyum sa pagtuturo na wikang Ingles ay papalitan ng
wikang Filipino?
Ang
wika ay may mahalagang papel na ginagampanan sa ating bansa na hindi lamang
ginagamit sa pagpapahayag ng impormasyon at kaisipan kundi pati na rin sa iba’t
ibang larangan. Ang paggamit nito sa larangan ng edukasyon, partikular na sa
mga kursong Humanidades at Agham Panlipunan na nagsisilbing paaran tungo sa mas
malalim na pag-unawa sa ating kultura, kasaysayan, at lipunan. Ang paggamit ng wikang
Filipino ay nagbibigay-daan sa mas epektibo at malawak na partisipasyon ng mga
mag-aaral. Ayon nga kay Dr. Ricardo Nolasco, dating Komisyoner ng Komisyon sa
Wikang Filipino, "Ang wika ay hindi lamang kasangkapan ng komunikasyon
kundi kasangkapan din ng pagkatuto at pag-unlad" (Nolasco, 2008). Alam
naman natin na hindi lahat ng estudyante ay may parehong antas ng kasanayan sa
Ingles na karaniwang ginagamit sa pagtuturo sa mga unibersidad. Kaya naman, mas
mainam na gamitin ang bernakular na wika sa pagtuturo sa mga paaralan.
Sa paggamit ng Filipino, ang mga hadlang
sa pagkatuto ay nababawasan at ang mga mag-aaral ay may kumpiyansa at mas
mahusay sa kanilang mga pag-aaral. Ito ay tumutulong sa paglinang ng kakayahang
komunikatibo ng mga mag-aaral, maging sa pasulat man at pasalita.
Gayundin,
marami mang pabor sa paggamit ng wikang
banyaga bilang midyum sa pagkatuto sapagkat ito ang ginagamit at ang tinuturing
na universal language, makikita pa
rin natin ang kakulangan ng pag-unawa ng mga mag-aaral sa mga asignatura at mga
aralin sa mga paaralan. Ayon naman sa isang guro sa Mataas na Paaralan ng
Macatoc, hindi maalis sa mga guro ang paggamit ng wikang Filipino sa
pagtatalakay ng mga konsepto at aralin sa agham at panlipunan. Nakikita nila na
mas nagiging epektibo at aktibo ang mga mag-aaral kung sariling wika ang
gagamitin bilang midyum sa pagtatalakay.
Ayon
nga sa pag-aaral ni Bonifacio Sibayan (1999), ang paggamit ng wikang Filipino
sa edukasyon ay nagtataguyod ng mas epektibong pagkatuto dahil mas nauunawaan
ng mga mag-aaral ang konsepto sa kanilang sariling wika. Ang bawat klase sa
isang paaralan ay magiging mas aktibo’t epektibo dahil sa malinaw at maayos na
pakikipagkomunikasyon ng mga mag-aaral sa kanilang kapwa estudyante pati na rin
sa kanilang mga guro habang nag-aaral. Sa ganitong paraan, magiging masaya at
hindi makikita ang kahadlangan ng mga mag-aaral na matuto’t magbahagi ng kaalaman
at kaisipan gamit ang kanilang bernakular na wika. Bagama’t may mga hamon sa
paggamit ng Filipino sa mga paaralan, tulad ng kakulangan sa mga materyales sa
pagtuturo, kakulangan ng katumbas ng mga salita at limitadong kaalaman ng ilang
guro sa akademikong Filipino, magiging mainam pa rin na magtulungan ang mga
guro’t mag-aaral sa pagpapayabong ng wikang Filipino hindi lang sa larangan ng
edukasyon kundi pati na rin sa iba’t ibang larangan at kurso.
Sa
kabuuan, ang paggamit ng wikang Filipino bilang midyum sa larangan ng
Humanidades at Agham Panlipunan ay mahalaga sa mas mainam na pagkatuto ng mga
mag-aaral sa mga asignatura at aralin. Ang paggamit ng wikang Filipino bilang
midyum ng pagtuturo ay isang malaking hakbang sa mas malinaw at maayos na pagpapalabas
ng komprehensibong pagkatuto ng mga estudyante. Ito’y nagsisilbing paraan sa
mas epektibong papapahayag ng kaalaman at kaisipan na nauunawaan at mas
naiintindihan ng mga mag-aaral. Bagama’t maraming hamon sa paggamit nito, ito’y
magiging tulay sa aktibo at masayang talakayan ng mga guro’t mag-aaral sa mga
paaralan. Sa ganitong paraan, hindi lamang sa larangan ng edukasyon na gagamit
ito, kundi pati na rin nagsisilbing tulay na rin sa pagpapaunlad ng wikang
Filipino.
Sanggunian:
Sibayan, B. (1999). "The Intellectualization of Filipino and Other Essays on Education and Sociolinguistics." Manila: The Linguistic Society of the Philippines
Nolasco, R. (2008). Wikang Filipino: Kasangkapan ng Edukasyon. Komisyon sa Wikang Filipino. https://www.scribd.com/document/509697784/KABANATA-I
https://rmn.ph/paggamit-ng-filipino-bilang-linggwahe-sa-pagtuturo-inirerekomenda-ng-grupo-ng-mga-guro-kay-pbbm/#google_vignette
Ang pagsulat ng sanaysay ay ang daan ng pagpapahayag ng ideya, mga opinyon at karanasan sa pamamagitan ng salita. Sa bawat hakbang ng proseso ng pagsulat, tayo ay natututo at nagkakaroon ng kasanayan sa masusing pagbuo ng makabuluhang sanaysay. Ngunit, paano ang mga kasanayan sa pagsulat ng sanaysay ay nakatutulong sa ating tinatahak na kurso?
Ang mga kasanayang natutunan sa pagsulat ng sanaysay ay nagbibigay daan sa atin na makipag-usap at makipag-ugnayan sa iba. Kapag tayo ay may alam sa kayarian, istilo at tamang gramatika, mas madali nating mapahayag ang ating saloobin at ideya. Lalong lalo na kapag tayo ay nagsusulat ng isang sanaysay o anumang akademikong sulatin, marapat na alam natin ang paggamit ng mga bantas at pagpili ng mga salita na naaayon sa tamang pagbaybay sa anyo man ng pasalita o pasulat. Nangangailangan na patuloy natin alamin at ipraktis ang tamang pagsulat ng sanaysay dahil bilang isang guro sa hinaharap, isa itong pundasyon sa maaayos na pakiagtalastasan sa iba at maari rin tayo ay makapagbahagi ng ating mga nalalaman tungkol sa pagsulat ng sanaysay. Tayo mismo sa ating sarili ay alam natin kung ano ang tama ay maling paggamit ng salita sapagkat tayo ang tagpangtanggol ng ating sariling wika.
Sa kabuuan, bilang isang guro sa hinaharap, marapat natin malaman ang mga kasanayan sa epektibong pagsulat ng isang sanaysay. Mahalagang malaman natin ang mga kayarian at istruktura ng pagsulat upang tayo ay maayos na makipagkomunikasyon sa iba. Sa pamamagitan nito, tayo ay nagiging mahusay na komunikatibo na nagpapahayag nang malinaw at wasto ang ating mga ideya. Dahil bilang isang guro sa hinaharap, dapat may malinaw tayo pakikipag-ugnayan sa ating mga mag-aaral na nagdudulot ng maayos na pakikipagkomunikasyon sa kanila.
sanggunian: https://www.bbcmaestro.com/blog/rhythm-in-writing
Umarangkada sa industriya ng musika sa
Pilipinas ang mabilis na kinikilala at minamahal ng mga Pinoy ang Ppop girl
group na BINI. Kilala bilang "Nation's Girl Group," ang BINI ay
binubuo ng walong talented na miyembro na sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen,
Stacey, Mikha, Sheena, at Jhoanna na sama-samang pinasok ang larangan ng musika
upang ipakita ang galing ng mga Pilipino sa larangan ng pop music.
Noong 2020, itinatag ang BINI na
produkto ng masusing pagsasanay sa ilalim ng Star Hunt Academy ng ABS-CBN. Isa
sa mga layunin ng grupo ay ang maiangat ang Ppop o Pinoy pop sa
internasyonal. Sa kanilang debut song na "Born to Win,
ipinakita nila ang pagsusumikap, determinasyon, at walang sawang pagsasanay
upang makamit ang tagumpay sa industriya ng musika. Ang kanilang kanta ay
sumasalamin sa kanilang kuwento ng pagbangon mula sa hirap at patuloy na
pagsusumikap para sa kanilang pangarap. Hindi lamang musika ang nais ipakita ng
BINI, layunin nilang magsilbing inspirasyon para sa mga kabataang Pilipino,
lalo na ang kababaihan upang matutong magpursige at huwag matakot abutin ang
kanilang mga pangarap.
Ngunit sa likod ng bawat
entablado at pag-awit, may mga hamon din silang kinakaharap. Isa sa mga
pinakamatinding pagsubok na dinaanan ng BINI ay ang kanilang isang miyembro na
si Bini Mikha ay nagkasakit ilang araw bago ang isang mahalagang performance. Dahil dito, naapektuhan ang
kanilang rehearsal schedules, at ang
kanilang mga hakbang ay kailangang baguhin upang makasabay ang bawat isa sa
kalagayan ng may sakit na miyembro. Sa kabila ng mga pagod at kaba, nagpatuloy
ang BINI sa kanilang pag-eensayo. Ang bawat isa ay nagbigay ng higit pa sa
kanilang makakaya upang maitaguyod ang bawat performance nang may kagalingan
para sa kanilang mga tagasuporta.
Bukod sa kanilang talento sa pagkanta
at pagsayaw, sinisikap ng BINI na maghatid ng positibong mensahe sa kanilang fans,
na kilala bilang "Blooms," patungkol sa pag-ibig sa sarili,
pagkakaisa, at pagyakap sa sariling kultura. Dahil sa kanilang natatanging
estilo at world-class na performances, napansin ang BINI hindi
lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa. Nakilahok sila sa mga
prestihiyosong music festivals sa Asya at tumanggap ng iba't ibang
nominasyon sa intemational music awards. Ang kanilang pagsikat ay bunga
ng kanilang dedikasyon at talento na nagpapakita ng potensyal ng Ppop sa
global stage. Sa kasalukuyan, patuloy ang BINI sa paglikha ng musika at
pagpapalawak ng kanilang fanbase.
Mula sa mga music video hanggang sa live performances, pinapakita nila ang kanilang kakayahan bilang performers na hindi lang basta entertainers kundi mga artist. Sa mga paparating na proyekto, kanta at ang patuloy na BINiverse na tiyak na may aasahan pa ang Bloom at ang buong sambayanang Pilipino. Tunay na ang BINI ay isang makabagong halimbawa ng pagsisikap at tagumpay sa larangan ng Ppop. Sa kanilang mga kanta at mensahe, ipinapakita nila na kayang makipagsabayan ng mga Pilipino sa industriya ng musika sa buong mundo.
sanggunian: https://kprofiles.com/bini-members-profile/
Sa rehas ng isip, ako'y nakakulong,
Mga pangarap, tila ba’y naunsiyami’t nabubulok.
Sa loob ng dibdib ay may silakbo,
Ngunit ang takot ang siyang nagtatakda ng agwat at tubo.
Araw-araw ay isang laban, isang laban na tahimik,
Ang damdaming maglayag, nanginginig sa pilit.
Sa tanikalang ito, ang sarili'y ginapos,
Sa kadilimang likha ng sariling takot at utos.
Naririnig ko ang mundo, tinig ay umaalingawngaw,
Ngunit sa loob ng utak, tila baga'y humihiyaw.
'Di makalabas, 'di makalaya,
Sa mga kadenang likha ng isipang puno ng kaba.
Ngunit darating ang araw, darating ang sandali,
Sa kislap ng pag-asa, magigising ang sarili.
Susubuking buksan ang pintuang bakal ng takot,
At sa wakas, bibitawan ang pangarap na nakakalapot.
Ang bilanggo ng isipan ay mayroong saysay,
Isang aral na sinulat ng panahon at taglay.
Ang mga kadenang ito'y magiging alaalang dalisay,
Pagkat sa dulo, ako'y maglalaya't lilipad nang malaya sa araw ng bukas.
sanggunian ng larawan: https://andyfrisella.com/blogs/articles/overthinking
Mga minamahal kong tagapanuri't tagapakinig, sa ating gurong tagapayo at sa ating mga hurado, isang mapagpalang araw sa inyong lahat. Nais kong hingin ang inyong pansin at dinggin ang aking tinig na may paggalang sa aking talumpati. Hayaan niyong ipakilala ko ang aking sarili, ako si Bb. Janna Cuevas at narito ako upang ipahayag sa inyo ang aking talumpati na may titulong, "Bakit nga ba ako nag-educ?"
Marami sa atin ang nagtataka kung bakit nga ba ako nag-educ o sa mas simpleng salita, bakit mas pinili ko ang landas sa pagtahak sa mundo ng edukasyon? Sa harap ng maraming karera na pwede natin pasukin, bakit ang pagiging guro? Alam naman natin na marami naman ang propesyon na mas malalaki ang kita ngunit bakit educ pa rin ang pinili ko? Mayroon pang mga nagsasabi na "bakit ka nag-educ eh hindi ka naman yayaman diyan?". Kaliwa't kanang tanong ng mga taong tingin sa pagiging guro ay isang mababaw na propesyon. Ngunit, ano nga ba ang kasagutan kung bakit pagiging guro ang napili ko?
Sa pagtahak sa landas ng edukasyon ay hindi madali. Sa bawat araw ay narito ang mga pagsubok na pagdadaanan na susubok sa ating katatagan bilang estudyante. Ang mga walang sawang gawain katulad na lamang ng pagsasaulo, mga pag-uulat na sabay-sabay sa isang araw at mga pagsusulit na pinagpuyatan sa pag-aaral tuwing gabi. Mayroon pang mga kahingian sa bawat asignatura na kailangan tapusin at gampanan. Bukod dito, ang paggawa ng mga kagamitang pampagtuturo ay isa ring mahalagang bahagi ng ating magiging trabaho. Kailangan nating maging malikhain, at mapamaraan upang makabuo ng mga biswal, worksheets, at iba pang mga kagamitan na makatutulong sa ating mga mag-aaral na mas maunawaan ang kanilang mga aralin. Ito ay isang patunay na ang pagtuturo ay hindi lamang pagbabahagi ng kaalaman, kundi pati na rin isang paraan ng paghubog ng mga kakayahan at talento ng bawat mag-aaral. At sino ba ang makakalimot sa mga gabing puyat at mga araw ng pagod?. Reklamo doon at reklamo diyan ang tanging maririnig sa bawat mga gawain na nakahanay sa isang linggo. Sa kabila ng mga ito, patuloy tayong nag-aaral at nagsisikap sapagkat alam nating bawat oras na ating inilaan ay may katumbas na tagumpay para sa atin na magiging guro.
Ngunit marami ang nagsasabi na "education lang". Isang pariralang tila nagmamaliit at bumababa sa dignidad ng propesyon ng pagtuturo. Ang pariralang ito ay nagmumula sa maling paniniwala na ang edukasyon ay isang madaling kurso at hindi kasing halaga ng ibang propesyon. Sa kabila ng lahat ng pagsubok at hamon na kaakibat ng pagiging isang guro, nananatili akong naniniwala na walang ibang propesyon ang kayang tapatan ang ganda at kahalagahan ng edukasyon. Ang pagiging guro ay hindi lamang isang propesyon dahil ito ay isang tawag ng pagmamahal sa pagtuturo sa paghubog ng kaalaman at kaisipan ng mga tinuturing nating mga pag-asa ng bayan. Marapat natin na malaman na ang pagtuturo ay hindi lamang basta pagbibigay ng leksyon kundi ang pagbibigay ng malawak na kaalaman, pagkakaroon ng mahabang pasensya, at pusong handang mag-alay ng oras at lakas para sa kapakanan ng mga estudyante. Ang mga guro ang siyang bumubuo ng pundasyon ng ating mga doktor, inhinyero, abogado, at iba pang mga propesyonal na nakikita natin ngayon. Hindi matutumbasan na makita natin ang mga mag-aaral na umunlad, natuto, at maging matagumpay sa kanilang mga piniling landas na isang karangalan at kasiyahang walang kapantay. Ang bawat ngiti, bawat tagumpay, at bawat salitang "salamat, guro" ay sapat na upang punan ang mga pagod at hirap na nararanasan bilang isang gurong nais maghatid ng kaalaman. At ito ay isang tungkulin na handa kong yakapin at pagyamanin sa habang buhay na maging isang guro na may dedikasyon at tyaga sa pag-abot ng kanilang mga hangarin sa buhay.
Sa huli, walang madaling propesyon. Ang pagiging guro ang nagsisilbing ilaw sa landas ng mga kabataan. Tayo ang humuhubog sa karakter, isipan, at damdamin ng mga susunod na henerasyon. Huwag nating hayaan na ang mga salitang "educ lang" ay makapagpahina sa ating loob at isipan. Sa halip, gawin nating inspirasyon ang mga negatibong pananaw na ito upang ipakita ang tunay na halaga at dignidad ng ating propesyon. Dahil ang pagiging educ ay hindi "educ lang", ang pagiging guro ay mananatiling isang karangalan na pagmumulan ng maraming propesyunal na kabataan na magsisilbing mga katatangi-tanging pag-asa at tagapagtaguyod ng ating bayan.
sanggunian ng larawan: https://www.google.com/amp/s/www.philstar.com/headlines/2018/04/10/1804504/china-accept-100000-filipino-english-teachers/amp/
Alas-tres ng hapon, tulad ng dati, naupo si Maya sa paborito niyang sulok sa coffee shop, malapit sa bintana. Sa tuwing lalampas ang gwapong barista, bahagya siyang mapapangiti. Sa bawat tingin niya sa lalaki, tila may kakaibang kislap sa kanyang mga mata.
Hindi niya alam kung bakit, pero ang pagtingin sa lalaki ay nagpapakalma sa kanya, na para bang kahit sa saglit lang ay nawawala ang bigat ng kanyang nararamdaman. Ilang linggo na niyang ginagawa ito, umaasang balang araw ay magtutugma ang kanilang mga mata at magkakaroon ng dahilan para mag-usap.
At sa wakas, nang maghapon na iyon, tinawag siya ng barista sa pangalan. Agad na bumilis ang tibok ng kanyang puso. "Maya?" sambit ng lalaki habang iniaabot ang kanyang order.
Tumayo siya, naghintay sa isang sandaling baka magsalita ang lalaki. Ngunit nang magtama ang kanilang mga mata, ngumiti ito. “Ma’am, pakiabot na lang po ng order sa kasunod n’yo."
Nilingon niya ang paligid. Sa kanyang likod, nakatayo ang babae—ang tunay na Maya at sa kanya pala nakatingin ang barista.
Umalis na lamang si Maya habang bitbit ang hiya.
sanggunian ng larawan: https://pos.chowbus.com/blog/article/what-is-a-barista
Mahigpit ang paghawak ni Kardo sa maliit na piraso ng lupang minana pa ng kanyang ama mula sa kanyang lolo. Sa isang iglap, ang lupaing kanyang tinataniman ay naging bahagi na raw ng pamahalaang Amerikano.
“Bakit kailangan naming magbayad ng buwis sa lupa na amin naman?” tanong niya sa sundalong Amerikano, ngunit tanging panlalait at ngisi ang sagot nito.
Hindi nagtagal, pinilit silang magbayad ng buwis na wala naman silang kayang bayaran. Maraming Pilipino ang nagdusa, kinumpiska ang kanilang mga lupain, at naiwang walang magawa kundi lumaban o magdusa sa gutom.
Dumating ang gabi ng kanilang lihim na pagpupulong. “Hindi natin hahayaang maging alipin sa sarili nating bayan,” sigaw ni Kardo sa mga kasamang magsasaka. Tangan ang kanilang mga itak at pangako ng kalayaan, handa silang tumayo laban sa nagmamataas na dayuhan.
Ngunit sa dilim ng gabi, sa isang salpukan ng mga bala, alam nilang ang bawat paghihirap ay may kapalit. Ngunit para sa kanila, mas matamis ang kamatayan kaysa sa manirahang alipin sa sariling lupa.
sanggunian ng larawan: https://pinoypanitik.weebly.com/panahon-ng-amerikano.html
Marami sa atin ang nakaka-miss na sa ating mga minamahal na pumanaw. Katulad ko, miss na miss ko na ang mga mahal ko sa buhay na wala na. Minsan, mapapaisip ako kung bakit hindi pwedeng magkaroon ng visiting hours sa langit na para kahit saglit lang, makasama ko sila muli katulad ng mga lola at lolo ko na sa murang edad ko pa lang ay nawala na sa akin.
Siguro kung may pagkakataon na makabalik tayo kahit ilang minuto lang, ano kaya ang unang sasabihin natin? Magyayakap kaya tayo agad o mag-uusap nang mahigpit na mahigpit? O kaya maraming chika na ilalahad sa kanila. Sana’y maramdaman nila kung gaano sila kamahal at kung gaano kasakit ang mga gabing nagdadasal tayo na sana kahit panaginip lang, makausap natin sila.
Habang hindi natin magawa iyon, dadalawin na lang natin sila sa alaala. At sa bawat pagdalaw natin sa kanilang mga puntod, sa mga bulaklak na iniaalay natin, nadarama natin ang kanilang presensya na para bang yumayakap at sinasabi nilang hindi tayo nag-iisa. Habang nakatayo tayo sa harap ng kanilang puntod, parang humihinto ang oras. Sumasagi sa isip ang mga alaala, mga tawanan, at mga aral na iniwan nila sa atin. Ang bawat bulaklak, kandila, at dasal ay hindi lamang simbolo ng pagmamahal kundi isang pahiwatig na kahit sa kabilang-buhay na may puwang pa rin sila sa ating mga puso.
Kaya kung may visiting hours, yayakapin ko lang sila nang mahigpit na mahigpit na parang ayaw ko nang bumitaw. Mararamdaman ko muli ang init ng kanilang mga bisig, ang yakap na nagbibigay-kalma at saya na parang bumabalik ako sa pagkabata. At hindi lang sila ang gusto kong makita. Miss na miss ko na rin ang mga alaga kong matagal nang pumanaw. Kung may pagkakataon, magtatakbuhan kami sa malawak na damuhan, tulad ng dati. Tatawagin ko sila at kahit wala akong hawak na laruan, alam nilang laro na agad ang ibig kong sabihin.
Sa bawat segundo ng visiting hours na iyon, pipilitin kong sulitin ang oras, walang masasayang na sandali at walang segundong hindi puno ng pagmamahal. Para bang isang maikling pagbabalik sa panahon kung saan buo pa ang mundo ko, kung saan kasama ko pa sila, at ang bawat ngiti nila ang tanging kailangan ko para maramdaman ang tunay na saya. Ikaw, gusto mo rin bang bumisita para sa mga minamahal mo?
sanggunian ng larawan: https://pin.it/5OX6ZF3TT
Sa ilalim ng mainit na araw, nakaupo si Mang Kardo sa gilid ng lansangan, hawak ang lata niyang puno ng mga barya mula sa mga nagmalasa...