Marami sa atin ang nakaka-miss na sa ating mga minamahal na pumanaw. Katulad ko, miss na miss ko na ang mga mahal ko sa buhay na wala na. Minsan, mapapaisip ako kung bakit hindi pwedeng magkaroon ng visiting hours sa langit na para kahit saglit lang, makasama ko sila muli katulad ng mga lola at lolo ko na sa murang edad ko pa lang ay nawala na sa akin.
Siguro kung may pagkakataon na makabalik tayo kahit ilang minuto lang, ano kaya ang unang sasabihin natin? Magyayakap kaya tayo agad o mag-uusap nang mahigpit na mahigpit? O kaya maraming chika na ilalahad sa kanila. Sana’y maramdaman nila kung gaano sila kamahal at kung gaano kasakit ang mga gabing nagdadasal tayo na sana kahit panaginip lang, makausap natin sila.
Habang hindi natin magawa iyon, dadalawin na lang natin sila sa alaala. At sa bawat pagdalaw natin sa kanilang mga puntod, sa mga bulaklak na iniaalay natin, nadarama natin ang kanilang presensya na para bang yumayakap at sinasabi nilang hindi tayo nag-iisa. Habang nakatayo tayo sa harap ng kanilang puntod, parang humihinto ang oras. Sumasagi sa isip ang mga alaala, mga tawanan, at mga aral na iniwan nila sa atin. Ang bawat bulaklak, kandila, at dasal ay hindi lamang simbolo ng pagmamahal kundi isang pahiwatig na kahit sa kabilang-buhay na may puwang pa rin sila sa ating mga puso.
Kaya kung may visiting hours, yayakapin ko lang sila nang mahigpit na mahigpit na parang ayaw ko nang bumitaw. Mararamdaman ko muli ang init ng kanilang mga bisig, ang yakap na nagbibigay-kalma at saya na parang bumabalik ako sa pagkabata. At hindi lang sila ang gusto kong makita. Miss na miss ko na rin ang mga alaga kong matagal nang pumanaw. Kung may pagkakataon, magtatakbuhan kami sa malawak na damuhan, tulad ng dati. Tatawagin ko sila at kahit wala akong hawak na laruan, alam nilang laro na agad ang ibig kong sabihin.
Sa bawat segundo ng visiting hours na iyon, pipilitin kong sulitin ang oras, walang masasayang na sandali at walang segundong hindi puno ng pagmamahal. Para bang isang maikling pagbabalik sa panahon kung saan buo pa ang mundo ko, kung saan kasama ko pa sila, at ang bawat ngiti nila ang tanging kailangan ko para maramdaman ang tunay na saya. Ikaw, gusto mo rin bang bumisita para sa mga minamahal mo?
sanggunian ng larawan: https://pin.it/5OX6ZF3TT

No comments:
Post a Comment