Saturday, December 21, 2024

ANG DAAN NG GINTO

     Sa ilalim ng mainit na araw, nakaupo si Mang Kardo sa gilid ng lansangan, hawak ang lata niyang puno ng mga barya mula sa mga nagmalasakit. Sa bawat dumadaan, may laman ang kanyang mata—pag-asa, kahit na alam niyang bihira ang tumutulong.  

   Isang araw, huminto ang isang matandang babae sa harap niya. Hindi siya nagbigay ng pera, kundi isang piraso ng papel na may nakasulat na address. "Puntahan mo ito bukas," sabi ng matanda. Sa kabila ng pag-aalinlangan, sumunod si Mang Kardo.  

   Ang address ay nagdala sa kanya sa isang lumang bodega. Dito, ipinakilala siya sa isang grupo ng mga manggagawa. Ang trabaho? Maglinis ng mga gamit para sa muling pagbebenta. Sa bawat linggo ng pagsisikap, natutunan ni Mang Kardo ang halaga ng tiyaga at tamang pamamahala ng pera.  

   Makalipas ang ilang taon, siya na ang namamahala sa bodega. Sa tulong ng mga natutunan niya, nagtatag siya ng sariling negosyo sa pagbebenta ng mga gamit na naibalik sa dating ganda. Hindi nagtagal, naging tanyag ang kanyang negosyo sa buong bayan.  

     Ngayon, si Mang Kardo, na dating pulubi, ay kilala na bilang isang matagumpay na negosyante. Sa bawat tagumpay, hindi niya nakakalimutan ang mga panahong tila walang pag-asa. Sa bawat araw, nagbibigay siya ng tulong sa mga tulad niyang minsang nangarap ng mas magandang buhay.  

    Sa huli, natutunan niya na ang tunay na yaman ay hindi lamang nasa pera kundi sa kakayahang magbigay ng pag-asa sa iba.

Monday, December 16, 2024

PAMANA NG DIYOS

 

  Sa paanan ng bundok Makiling, may isang munting nayon na nakapalibot sa isang malawak at luntiang gubat. Ang gubat na ito ay tinatawag ng mga taganayon na "Pamana ng Diyos" dahil sa yaman ng likas na yaman nito—mga punong nag-aalay ng lilim, mga ilog na umaagos ng malinaw na tubig, at mga hayop na malayang namumuhay.  

     Isa sa mga taganayon ay si Elena, isang dalagitang mahilig maglakbay sa gubat. Siya ang bantay ng kanyang Lolo Gorio, isang matandang magsasaka na may malalim na koneksyon sa kalikasan. Lagi niyang sinasabi, “Elena, ang gubat na ito ang nagbibigay-buhay sa atin. Huwag nating sirain ang yaman nito.”  

     Isang araw, dumating ang isang grupo ng mga negosyante sa nayon. Balak nilang putulin ang mga puno upang gawing subdivision. Nangako sila ng malalaking bayad sa mga tao. Maraming taganayon ang napaisip—paano kung tanggapin nila? Ngunit si Elena ay hindi mapakali. Alam niyang mawawala ang lahat ng kagandahan ng kanilang lugar.  

     Kinausap niya ang kanyang Lolo, at nagdesisyon silang humarap sa mga negosyante. Sa harap ng nayon, nagsalita si Elena: “Ang gubat na ito ay hindi lamang para sa atin ngayon. Ito’y para sa mga susunod pang henerasyon. Ang pera ay nauubos, ngunit ang yaman ng kalikasan, kapag nawala, ay hindi na maibabalik.”  

   Nakiisa ang iba pang taganayon sa kanyang panawagan. Sama-sama nilang tinutulan ang proyekto. Dahil sa kanilang pagkakaisa, umatras ang mga negosyante, at nailigtas ang gubat.  

     Simula noon, naging mas maalaga ang nayon sa kalikasan. Nagtanim sila ng mas maraming puno at itinuro sa mga bata ang kahalagahan ng kalikasan. Sa bawat okasyon sa nayon, naging tradisyon na ang pag-aalay ng dasal para sa kalikasan at ang pagtatanim ng punongkahoy bilang simbolo ng kanilang pagmamahal dito.  

    Dumaan ang panahon, at si Elena, na ngayo'y isa nang guro sa kanilang paaralan, ay itinuloy ang mga aral ng kanyang Lolo Gorio. Tuwing linggo, dinadala niya ang mga mag-aaral sa gubat upang ipakita ang tunay na halaga ng kalikasan. “Mga anak,” sabi niya, “ang gubat na ito ay hindi lamang puno at lupa. Ito ay tahanan, buhay, at pag-asa.”  

    Isang araw, habang naglalakad si Elena sa pamilyar na landas ng gubat, naramdaman niya ang malamig na ihip ng hangin at ang tunog ng agos ng ilog. Ngumiti siya, sapagkat alam niyang ang kanilang laban noon ay hindi lamang para sa gubat, kundi para sa kinabukasan ng kanilang buong pamayanan.  

  Sa puso ni Elena, naroon pa rin ang boses ng kanyang Lolo: “Ang kalikasan ay pamana—alagaan mo ito, at aalagaan ka rin nito.” Ngayon, ang mga salitang ito ay umaalingawngaw na sa bawat bata sa nayon, isang pangakong hindi malilimutan ng bawat isa—na ang gubat, ang "Pamana ng Diyos," ay mananatiling buhay magpakailanman.


sanggunian ng larawan: https://onetreeplanted.org/blogs/stories/nature-fun-facts

Saturday, December 14, 2024

 


Paghihintay ni Genoveva Edroza-Matute 

Buod:

Ang Paghihintay ay isang kwentong sumasalamin sa masalimuot na realidad ng buhay, pagmamahal, at sakripisyo. Ang pangunahing tauhan, si Nimang, ay isang babaeng simple, tahimik, at masipag na naghanapbuhay bilang tagamakinilya upang suportahan ang kanyang dalawang anak. Sa kabila ng kanyang pagiging mahiyain, naging malapit siya sa isang katrabaho, si Rina, na siyang nagsilbing tagapagsalaysay ng kwento. Sa kanilang pagkakaibigan, nabuksan kay Rina ang kwento ng buhay ni Nimang, lalo na ang kanyang relasyon sa asawang si Joel Soriano. Bagamat mas bata si Joel kay Nimang, pinakasalan niya ito sa kabila ng oposisyon ng maraming tao, dahil sa kanilang pagmamahalan. Ngunit ang inaasam nilang magandang buhay ay hindi natupad. Umalis si Joel upang magtrabaho sa Riyadh, na noo'y kanilang pinangarap bilang paraan upang makaahon sa kahirapan. Subalit sa paglipas ng mga buwan at taon, hindi dumating ang inaasahang mga sulat, pera, o anumang balita mula kay Joel. Sa halip, napag-alaman ni Nimang na bumalik na pala ito sa Pilipinas nang hindi man lamang sila inabisuhan, at higit pa, nalaman niyang si Joel ay muling sumama sa dati nitong kasintahan, si Rosalind. Ang katotohanang ito ay naging mabigat para kay Nimang. Ang matagal na paghihintay, kasama ng mga pangarap para sa pamilya ay gumuho para sa kaniya na nagdulot ng matinding depresyon. Sinubukan niyang wakasan ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming pampatulog. Bagamat siya’y nailigtas, si Nimang ay naging tila walang kaluluwa, hindi umiimik at halos nawalan ng pag-asa sa buhay. Sa kabila nito, hindi iniwan ni Rina si Nimang. Patuloy siyang nagpakita ng malasakit at suporta, ginagawa ang lahat upang maibalik ang kaibigan sa kanyang dating niyang kalagayan. Pilit pa rin ipinapakita ni Rina ang ganda ng buhay ni Nimang kasama ang kaniyang dalawang anak.

 

I.             Uri

Ø Ang kwentong Paghihintay ay isang maikling kuwento na may temang drama at psikolohikal. Tumatalakay ito sa mga emosyon at pananaw ng mga tauhan na si Nimang, partikular sa kaniyang paghihintay na puno ng pag-asa at pag-aalala.

II.            Pamagat

Ø  Paghihintay ni Genoveva Edroza-Matute

Ø   

III.          Nilalaman

a.    Tauhan

Ø Nimang – isang babae na may dalawa nang anak, at nangungupahan sa isang maliit at lumang tirahan. Sa panlabas, siya’y tahimik, simple, at tila ordinaryong empleyada. Hindi siya palakaibigan at pinili niyang maging pribado, kaya’t naging tampulan siya ng usapan ng kanyang mga kasamahan sa trabaho. Madalas siyang napagkakamalang "introvert" o may dinadalang problema sa buhay.

Ø Rina - ang tagapagsalaysay, kasamahan ni Nimang sa trabaho, na naging kaibigan at tagasuporta niya. Sa kabila ng kahirapan sa pagbukas ng damdamin ni Nimang, nagtiyaga siyang alamin ang kwento ng buhay nito.

Ø  Joel - ang asawa ni Nimang, na nag-abroad upang magtrabaho ngunit nagdulot ng mas matinding kalungkutan sa buhay ni Nimang dahil sa kanyang kawalang-pananagutan at pagmamahal.

Ø Rosalind - ang naunang kasintahan ni Joel, na naging dahilan ng matinding kalituhan sa damdamin ni Nimang

b.    Tagpuan

Ø  Opisinaang lugar kung saan nagtatrabaho si Nimang bilang tagamakinilya ay isang mahalagang tagpuan na naglalarawan ng kanyang araw-araw na buhay bilang isang tahimik at pribadong empleyada. Sa kabila ng mga tsismis at panghuhusga ng kanyang mga kasamahan, pinili niyang hindi sumagot at manatiling nakatuon sa kanyang trabaho.

Ø Maliit at maralitang bahay – lugar kung saan nakatira si Nimang kasama ang kanyang dalawang anak ay isa pang mahalagang tagpuan. Ang bahay na ito ay sagisag ng kanilang paghihikahos at ang kanyang pagiging ulirang ina na ginagawa ang lahat upang maitaguyod ang pamilya.

c.    Galaw ng Pangyayari

Ø  Ang kwento ay umiikot sa buhay ni Nimang bilang isang masipag at mapagmahal na ina na nagtataguyod sa kanyang dalawang anak. Habang siya ay nagtratrabaho,nalaman niyang matagal nang wala ang pag-ibig ng  kanyang asawang si Joel, na nasa Saudi Arabia para magtrabaho at unti-unti nang nawawala ang komunikasyon at suporta nito sa pamilya. Nararamdaman niya ang mabigat na responsibilidad ng pagpapalaki sa kanyang mga anak nang mag-isa, kasabay ng pag-asa na baka muling magparamdam ang kanyang asawa. Dumating sa punto si Nimang na naisip ang ideya ng pagkitil sa sariling buhay dahil sa sobrang bigat ng kanyang dinadala.mNgunit biglang nanaig ang pagmamahal niya sa kanyang mga anak, na nagsilbing inspirasyon para magpatuloy. Sa huli, nagdesisyon si Nimang na ipagpatuloy ang buhay alang-alang sa kanyang mga anak. Bagamat hindi tiyak kung babalik pa si Joel, pinili ni Nimang ang tumayo para sa kanyang pamilya.

d.    Pangunahing Pangyayari

Ø  Si Mrs. Nimang Soriano ay isang masipag na ina na ipinakilalang nagtatrabaho bilang isang tagamakinilya sa opisina. Tahimik siya, maingat, at iniwasan ang mga tsismis ng kanyang mga kasamahan. Sa simula pa lamang, naipakita ang kanyang mga sakripisyo bilang isang ina sa dalawang anak, habang ang kanyang asawang si Joel ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

 

e.    Pasidhi o Pataas na Pangyayari

Ø  Habang patuloy na nagtatrabaho si Nimang at tinitiis ang pang-araw-araw na hirap, unti-unting lumilinaw ang kawalan ng komunikasyon at pagmamalasakit ng kanyang asawa. Hindi na nagpapadala ng pera si Joel, at tila iniwan na sila. Lumalalim ang kalungkutan ni Nimang habang dinaranas niya ang responsibilidad ng pagiging magulang nang mag-isa. Naging malinaw na hindi lamang pisikal ang distansya nila ni Joel, kundi maging emosyonal.

f.     Karurukan at Kasukdulan

Ø  Ang pinakamataas na punto ng emosyon ay nang si Nimang, sa sobrang bigat ng kanyang damdamin at pasakit, ay nagdesisyong wakasan ang kanyang paghihirap sa pamamagitan ng pag-inom ng pampatulog. Bagamat nagkaroon siya ng ganitong pag-iisip, biglang pumasok ang alalahanin tungkol sa kanyang mga anak. Naalala niya na walang ibang mag-aalaga sa kanila kung sakaling siya ay mawala.

g.    Kakalasan o Pababang Aksyon

Ø  Ang damdamin ng isang ina ang nanaig kay Nimang. Hindi niya itinuloy ang balak na wakasan ang kanyang buhay dahil sa pagmamahal sa kanyang mga anak. Bumalik siya sa kanyang realidad, sa kabila ng kawalang-katiyakan, at nagdesisyong ipagpatuloy ang buhay alang-alang sa kanyang pamilya.

h.    Wakas

Ø  Sa wakas, malinaw na ipinakita ang kwento bilang isang pagsasalaysay ng sakripisyo at pagmamahal ng isang ina na handang magtiis para sa kapakanan ng kanyang mga anak, kahit na siya mismo ay puno ng dalamhati. Bagamat walang katiyakan ang pagbabalik ni Joel o ang kanyang kinabukasan, nagpapatuloy si Nimang sa kanyang paghihintay at pakikibaka.

IV.          Taglay na Bisa

Ø  Bisa sa Isip

-          Binibigyang-diin ng kwento ang realidad ng buhay ng maraming Pilipino, partikular na ang mga pamilyang naiwan ng mga OFW, at ang mga hamon ng paghihiwalay dahil sa paghahanapbuhay sa ibang bansa. Pinupukaw nito ang kamalayan ng mambabasa tungkol sa sakripisyo ng mga magulang para sa kanilang pamilya, at ang epekto ng kawalan ng komunikasyon sa relasyon ng mag-asawa.

Ø  Bisa sa Damdamin

-          Ang kwento ay nakakapukaw ng matinding emosyon tulad ng awa, lungkot, at pag-asa. Damang-dama bilang mambabasa ang kalungkutan at kawalang-katiyakan na nararamdaman ni Nimang habang naghihintay sa kanyang asawang si Joel. Sa kabila ng bigat ng sitwasyon, ang kwento ay nagbibigay din ng inspirasyon sa pamamagitan ng katatagan ni Nimang na manatili para sa kanyang mga anak.

Ø  Bisa sa Asal

-          Pinapakita ng kwento ang kahalagahan ng pananagutan at katatagan, lalo na sa mga magulang na kailangang tumayo bilang haligi ng kanilang pamilya kahit na mag-isa. Tinuturo nito sa mambabasa na, kahit gaano kahirap ang buhay, hindi dapat mawalan ng pag-asa.

 

V.           Kamalayang Panlipunan

Ø  Epekto ng Migrasyon sa Pamilya

-          Ang kwento ay sumasalamin sa kalagayan ng mga pamilyang Pilipino na apektado ng pangingibang-bansa. Ang asawa ni Nimang, si Joel, ay simbolo ng maraming Pilipino na pumupunta sa ibang bansa upang maghanapbuhay.

Ø  Single Parenthood at Gender Roles

-          Ang karakter ni Nimang ay naglalarawan ng isang ina na nagiging haligi ng tahanan sa kawalan ng kanyang asawa. Pinapakita nito ang gender inequality sa lipunan, kung saan ang mga babae ang madalas magdala ng bigat ng emosyonal at praktikal na responsibilidad sa pamilya. Ang pagiging single parent ni Nimang ay repleksyon din ng mga hamon na hinaharap ng maraming kababaihan sa lipunan, kung saan sila ay kailangang maging matatag para sa kanilang mga anak sa gitna ng kawalang-katiyakan.

Ø  Kahirapan at Sakripisyo

-          Ang kwento ay nagpapakita ng malupit na realidad ng kahirapan sa Pilipinas, kung saan ang pangingibang-bansa ay nagiging tanging paraan upang magkaroon ng mas magandang kinabukasan. Itinutuon nito ang pansin sa sakripisyo ng mga magulang para sa kanilang pamilya, ngunit binubuksan din nito ang usapin tungkol sa kawalan ng sapat na suporta sa mga pamilyang Pilipino mula sa estado o lipunan.

 

VI.          Teoryang Pampanitikan

Ø  Teoryang Realismo

-          Ang realidad ng buhay ay malinaw na makikita sa kwento dahil inilalahad nito ang makatotohanang larawan ng buhay ng mga pamilyang Pilipino na nakararanas ng migrasyon at kahirapan. Ang kwento ay nagtatampok ng mga karanasan ng mga asawang naiiwan sa bansa habang ang kanilang mga kapareha ay nasa ibang lugar upang magtrabaho. Ang pagkakalayo ni Nimang at ng kanyang asawa ay nagpapakita ng krisis sa relasyon na nararanasan ng maraming Pilipino.

 

Ø  Teoryang Feminismo

-          Ang feminismo ay maaaring gamitin upang suriin ang karakter ni Nimang, na kumakatawan sa lakas at determinasyon ng kababaihan sa gitna ng mga hamon. Pinapakita sa kwento ang responsibilidad ng mga kababaihan katulad ni Nimang na ginampanan ang papel ng pagiging ina at ama sa pamilya, na isang usapin ng gender inequality.

Ø  Teoryang Eksistensyalismo

-          Makikita rin ang eksistensyalismo sa kwento, partikular sa emosyonal na estado ni Nimang habang siya ay naghihintay. Habang naghihintay, si Nimang ay nagmumuni-muni sa kanyang mga desisyon sa buhay at sa kawalan ng katiyakan sa kinabukasan. Ipinapakita ang paghahanap ng kahulugan sa kabila ng kawalan ng malinaw na sagot tungkol sa sitwasyon ng kanyang asawa.

Ø  Teoryang Sosyolohikal

-          Ang kwento ay nagtatampok ng mga isyung panlipunan tulad ng migrasyon, kahirapan, at ang epekto nito sa pamilya. Binibigyang-diin ng kwento ang kalagayan ng mga OFW at ang kanilang pamilya, na isang mahalagang isyung panlipunan sa Pilipinas.

sanggunian ng larawan: https://www.thegoodbook.co.uk/blog/interestingthoughts/2019/10/04/waiting-well-in-a-world-of-right-now/

 

Friday, December 13, 2024

ALINGAWNGAW NG DUGO'T DIWA



Sa bawat patak ng pawis na bumubukal,  

Doon sumisibol ang tapang na dalisay,  

Sa bisig ng bayan, silang nagtatanghal,  

Mga Pilipinong handang mag-alay.  


Sa lambak ng hirap, sila’y naglalakad,  

Hawak ang pangarap, di magpapatinag,  

Sa digmaan ng buhay, dugo’y di matuyat,  

Dahil sa bayan, lahat ay handang itaguyod.  


Ang kanilang sigaw ay awit ng pag-asa,  

Pumapailanlang sa mga bundok at lupa,  

Taglay ang paninindigang walang iniinda,  

Kalayaan ng bayan, kanilang adhika.  


Mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan,  

Kabayanihan nila’y sulo sa dilim ng bayan,  

Sa bawat Pilipino, diwa’y huwag kalimutan,  

Sila ang liwanag, sila ang kalangitan.  


O, inang bayan, yakapin ang kanilang alaala,  

Sa puso ng bawat isa, sila’y dakila,  

Kabayanihan ng Pilipino’y walang kapara,  

Dugo’t pawis nila’y sakripisyong walang kapantay na halaga.  


sanggunian ng larawan: https://sinoangpilipino.weebly.com/panahon-ng-amerikano.html

Thursday, December 12, 2024


sanggunian ng mga ginamit na larawan: https://www.jmepaints.com/pananamit

https://www.deviantart.com/virgiliolargadojr11/art/Mangyan-966927328

Sunday, December 8, 2024

TANAGA: SINTA


Ngiting kay tamis

T'wing kasama ka SINTA,

Mga yakap mo,

Ang lakas sa tuwina

Ginoo, mahal kita.


sanggunian ng larawan: https://wallpapers.com/lover-pictures

Friday, December 6, 2024


     Ang paggawa ng research proposal ay isa sa pinakamalaking hamon na aking naranasan bilang isang mag-aaral. Halos apat na araw ang aming ginugol upang mabuo ang aming pananaliksik, at sa bawat araw ay tila ba nagiging mas matindi ang mga pagsubok. Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng hirap at sakripisyo, ito rin ay naging daan upang higit kong maunawaan ang kahalagahan ng determinasyon, dedikasyon, at samahan.  

    Isa sa mga pinakamahirap na bahagi ng proseso ay ang paghahanap ng mga kaugnay na literatura at pag-aaral. Napakahirap maghanap ng mga tamang artikulo o libro na direktang susuporta sa aming paksa. Ilang araw kaming naglaan ng oras sa pagbuklat ng mga aklat at paggalugad sa internet, ngunit tila ba laging kulang ang aming nakikita. Gayunpaman, hindi namin ito sinukuan. Sa tulong ng aming grupo at mga guro, unti-unti naming nabuo ang pundasyon ng aming pananaliksik.  

        Pangalawa, ang paghahanda para sa araw ng defense ay hindi naging madali. Kinailangan kong gumising ng madaling araw upang masiguradong maipapakita namin nang maayos ang aming kaalaman. Gumawa pa ako ng bunutan para sa mga posibleng tanong na itatanong sa amin, isang bagay na talagang nakatulong sa aking kumpiyansa. Ang bawat pagrebisa, bawat sagot na aming inensayo, ay tila nagpatibay sa aming kakayahang ipaglaban ang aming proposal.  

     Sa araw ng defense, ibang klase ang kaba na aking naramdaman. Habang hinihintay ang aming oras, hindi maalis sa isip ko ang takot na baka may magtanong ng hindi ko masagot o baka magkamali ako sa presentasyon. Ngunit nang simulan na naming ipaliwanag ang aming pananaliksik, unti-unting nawala ang aking kaba. Ang aming mga panelist ay nagbigay ng mahahalagang puna at tanong, ngunit sa bawat sagot ay naramdaman kong kami ay handa. Sa huli, nagawa naming maipasa ang aming proposal at ito ay isang malaking tagumpay para sa amin.  

     Sa kabila ng lahat, hindi ko makakalimutan ang mga gastos, puyat, at pagod na aming inalay para lamang matapos ang prosesong ito. Ngunit higit sa lahat, natutunan ko na ang bawat hirap ay may kaakibat na tagumpay. Ang araw ng aming research proposal defense ay hindi lamang tungkol sa aming pananaliksik kundi pati na rin sa mga aral na aming natutunan — ang halaga ng pagtutulungan, tiyaga, at paniniwala sa sarili.  

      Ngayong tapos na ang defense, mas naunawaan ko na ang proseso ng pananaliksik ay hindi lamang isang akademikong gawain kundi isang karanasan na nagpapanday sa aming pagkatao. Isa itong paalala na sa bawat pagsubok na ating haharapin, ang tagumpay ay palaging posible basta’t tayo ay magpupursigi.

Tuesday, December 3, 2024

HAIKU: BANAYAD


Dagat ay bughaw,

Hangin sa bundok, buhay

Lupa'y sumigaw.


sanggunian ng larawan: https://www.mrussellphotography.com/blog/

Monday, December 2, 2024

DAGLI: SA LILIM NG ADHIKA



  Sa maliit na baryo, may isang batang nagngangalang Lira. Araw-araw, bitbit niya ang kanyang lumang aklat at notebook na may guhit ng mga rosas sa takip. Sa ilalim ng punong mangga, palagi siyang naglalaro—hindi ng piko o habulan, kundi ng pagiging guro. Ang mga dahon ay nagiging papel, at ang kanyang tinig ay parang kampana sa katahimikan ng hapon.  

    "Magbasa na kayo! Bukas may pagsusulit tayo," sigaw niya sa mga walang buhay na bato at piraso ng kahoy na nagsilbing "mga estudyante" niya.  

   Ngunit kapag sumisilip ang araw ng Linggo, naririnig niya ang malakas na tawa ng kanyang ama. "Guro? Anong guro? Wala tayong pera para diyan!" Matapos ang mga salitang iyon, siya'y tatahimik, sabay pikit ng mga mata at tititig sa langit.  

   Isang gabi, habang hawak niya ang kanyang lumang     aklat, nakatulog siya sa banig na puno ng tagpi-tagpi. Sa kanyang panaginip, nakita niya ang sarili—nakasuot ng puting blouse at itim na palda, may dalang mga makakapal na libro. Naroon siya sa harap ng isang klase, binibigkas ang bawat salita nang may tiwala at kasiyahan. Mga batang nakangiti at nag-aabot ng kanilang sagot ang nasa kanyang paligid.  

    “Lira Ma’am, pwede po bang ulitin ang tanong?” sabi ng isa sa kanyang estudyante. Napangiti siya. “Siyempre! Lahat kayo, kayang-kaya ang araling ito!”  

      Ngunit nang biglang tumunog ang kalembang ng kampana, nagbago ang lahat. Unti-unting naglaho ang silid-aralan. Ang ingay ng mga estudyante ay napalitan ng tahimik na simoy ng hangin.  

     Pagmulat ng kanyang mga mata, nakita niya ang sarili sa ilalim ng punong mangga, hawak ang luma niyang notebook. Pinunasan niya ang kanyang luha, kasabay ng mapait na ngiti.  

     “Pangarap lang pala,” bulong niya sa sarili. Ngunit sa kabila ng pagkatanto, muling tumayo si Lira, hawak ang kanyang lumang aklat, at ipinagpatuloy ang kanyang laro bilang guro. Sapagkat sa kanyang puso, ang pangarap ay maaaring panaginip lamang ngayon, ngunit sino ang nakakaalam kung kailan ito magiging totoo?  


sanggunian ng larawan: https://pin.it/24nFQSDph

Wednesday, November 27, 2024

TANKA: IROG


Iibigin kang wagas,

Sinisinta kong mahal,

Ikaw ang aking lakas

Ang aking dinadasal.


sanggunian ng larawan: https://pixabay.com/photos/heart-love-sunset-shape-sign-3147976/

EDUKASYONG BILINGWAL


       Sa paghubog ng mga mag-aaral, ang paggamit ng dalawang wika sa pagtuturo ay may malaking kontribusyon sa kanilang malawak na pagkatuto sa paaralan. Alam naman natin na may mga asignatura ang mas madaling matutunan ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya kung ito ay ay nasa midyum ng wikang Tagalog ngunit mas magiging epektibo ang kanilang pagkatuto kung ito rin ay gagamit ng wikang Ingles. Ang kanilang kakayahang makipag-usap sa dalawang wika ay nagiging daan nila sa mas malawak na pag-unawa sa iba't ibang kultura at pananaw na kanilang natutunan sa paaralaan.

    Ang pagkakaroon ng edukasyong bilingwal sa elementarya ay nakatutulong sa mabilis na pagkatuto ng mga mag-aaral. Alam naman natin na kahit sila ay bata pa, dahil tayo ay nasa modernong panahaon na, natutunan ko na mas maiging imulat na sila sa paggamit ng pangalawang wika. Ito ay hindi ang pagpalit sa paggamit ng unang wikang kinagisnan kundi ang pagkakaroon nila ng kakayahan na gamitin ito sa kanilang pag-aaral. Mayroong mga estratehiya ang mga guro upang mas maging madali ang pagkatuto ng mga mag-aaral na dahil na lamang sa pagkakaroon ng edukasyong bilingwal, mas natutuhan ng mga mag-aaral ang aralin kasabay na ang pagkatuto nila sa iba pang wika. Gayundin, sa pamamagitan ng SLK o self learning kit, ang mga mag-aaral ay nagkakaroon ng kakayahan na matutuhan na gumawa at mag-isip ng gamit ang kanilang natutunan sa paaralan. Sa pamamagitan nito, nailalabas nila ang kanilang sariling kakayahan sa pagkatuto gamit ang SLK.

   Sa kabilang banda, ang pagkakaroon din ng edukasyong bilingwal sa mga sekondarya ay nagiging daan sa mas epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral sa sekondarya gamit ang mga natutuhan nila sa iba’t ibang asignatura na mahahasa ang kanilang kakayahan sa sining at akademikong kakayahan. Natutunan ko na dahil sa pagkakaroon natin ng dalawang wika sa pag-aaral, mas nagiging madali ang pag-aadapt ng mga mag-aaral sa mga aralin. Ito ang nagiging paraan upang mas madaling maunawaan nila ang mga Gawain na maghuhubog sa kanilang kakayahan sa pagtatahi, pagluluto, at iba pang gawaing pambokasyunal. Gayundin, sa pamamagitan nito, hindi lamang mahuhubog ang kanilang kakayahan sa akademiko kundi pati na rin ang kakayahan sa edukasyong pambokasyunal.

    Sa kabuuan, mahalaga ang edukasyong bilingwal sa mas epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya. Ang paggamit nito sa bawat paaralan ay mas nagiging madali at mahusay ang pagtuturo ng mga guro gamit ang dalawang wika sa mga asignatura na kanilang tinuturuan. Ito ang nagbigay sa’kin ng kaalaman na hindi lamang tayo dapat maalam sa unang wika natin kundi pati na rin sa pangalawang wika lalo na sa wikang Ingles. Kaya naman natutunan ko na ang edukasyong bilingwal ay hindi lamang isang estratehiya sa pagtuturo ng wika, kundi isang mahalagang bahagi ng kabuuang pag-unlad ng mga mag-aaral maging ito man ay elementarya o sekondarya.


sanggunian ng larawan: https://pin.it/3g4s7knwS

ANG DAAN NG GINTO

     Sa ilalim ng mainit na araw, nakaupo si Mang Kardo sa gilid ng lansangan, hawak ang lata niyang puno ng mga barya mula sa mga nagmalasa...