Thursday, September 26, 2024

ALON NG KASAYSAYAN





 Oh, Pilipinas na bayan kong mahal,

Hirap at ginhawa'y iyong nilagpasan

Makamit ang kalayaan na tanging dinadasal, 

Mula sa banyaga na hatid ay kaharasan. 


Ilang taon sinakop ng mga dayuhan,

Mamamayang Pilipino, inalipin at pinahirapan.

Tama bang ganito ang kanilang naranasan,

Kung ang tangi nilang hiling ang tunay na kalayaan?


Isang paglalakbay sa alon ng kasaysayan,

Masakit isipin ganito ang naging kalagayan.

Mga kababayan, dugo't pawis ang puhunan,

Sigaw na paglaya ang nais makamtan.


Kaya kapwa ko Pilipino, huwag burahin sa ating isipan,

Mga sandali ng ating kasaysayan, 'di malilimutan.

Mga bayaning lumaban hawak ang pag-asa at katapangan,

Kalayaan, Katarungan, ang layunin ng kanilang pananahan.


Oh, Inang Bayan, bantog ng kagitingan,

Ang pagmamahal sa Pilipinas, diwa'y walang kaharian.

Bawat Pilipino, bayaning kanyang paraan,

Ipagtanggol ang karapatan, sa pangalan ng katarungan.


Sa iyo, Inang bayan, ang pagmamahal,

Sa pag-unlad at pagbabago, kami'y iyong katuwang.

Sa bayan na malaya, pag-asa'y kikinang,

Mahal kong Pilipinas, mananatiling marangal.


sanggunian ng larawan: 

https://www.reddit.com/r/Philippines/comments/umy6f4/inang_bayan_she_carries_the_future_in_a_perilous/?rdt=50082

Wednesday, September 18, 2024

Ang wika nga ba't tunay na Malaya?




Ang wika nga ba'y tunay na malaya,

Sa bibig ng bayan, sa isip at diwa?

O ito'y tila ibong nakakulong, pilit ikinukubli,

Sa rehas ng takot at pang-aalipin lagi?


Sa bawat titik at salita na pilit pumipiglas,

Sa bawat himig ng damdaming wasak,

Wikang nakabartolina, walang lakas,

Kailan nga ba magbubukas?


Sa bibig ng ilan, ito’y isinusumpa,

Sa iba naman, kaluluwa’y binubuhay niya.

Ngunit, bakit tila 'di mahanap ng wika,

Ang daang malaya, ang daang wala nang tanikala?


Bakit nga ba ang wika’y tila nililigiran ng dilim?

Sa boses ng bayan, may himig na mapanghimagsik,

Oh, wikang minamahal, kailan manunumbalik?

Ang salita't titik na inyong sambit?.


sanggunian ng larawan: https://masongsongrickimae.wordpress.com/2016/10/16/pictorial-essay/

Baybayin: Sinaunang Alpabetong Pilipino

 



  Ang baybayin ay isang sinaunang sistema ng pagsulat ng mga Pilipino bago pa man dumating ang mga dayuhan na nanakop sa ating bansa. Ito ay binubuo ng 17 na titik at kudlit o tuldok upang maipakita ang mga tunog ng mga patinig at katinig sa wikang Tagalog upang maipahayag ang mga salita o kaisipan.

 Mahalagang bahagi ng kultura ng mga Pilipino ang baybayin na kung saan ito ang patunay na mayroon tayong sariling sistema ng pagsulat. Ito ang naging dahilan ng maayos na pakikipag-ugnayan at komunikasyon ng mga Pilipino sa isa't isa. Ngunit sa kabila nito, naging limitado ang paggamit baybayin sa kasalukuyan dahil sa pagdating at impluwensya ng mga mananakop sa bansang Pilipinas na nagdulot ng pagbabago ng sistema ng pagsulat ng mga Pilipino.

 Bagama't hindi na gaanong ginagamit ang baybayin sa kasalukuyan, ito ay nananatiling isang mahalagang kultura at kasaysayan ng Pilipinas. Marami ang nagsisikap na mga pilipino na mapanatili at maibalik ang paggamit ng baybayin muli sa pagsulat. Upang mapanatili ito maaari itong ituro sa mga paaralan, paggamit ng baybayin sa mga sining at panitikan, at pagpapakalat ng kaalaman tungkol sa tamang paggamit at pagsulat nito. Sa ganitong paraan mas magiging malawak ang kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa sinaunang sistema ng pagsulat ng bansa.

 Sa huli, ang baybayin ay maituturing na isa sa mga halimbawa ng magandang kasaysayan at kultura ng Pilipinas. Ito ay masasabi natin na sariling atin sapagkat ito ay ang pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Bagama't hindi pa ito lubos na kilala sa mundo, mapapanatiling natin ito ng buhay sa pamamagitan ng pag aaral at paggamit nito sa iba't ibang paraan. Dahil dito, nagkakaroon tayo ng pagpapahalaga at pagmamahal sa kasaysayan at kultura ng ating mahal na bansang Pilipinas.


sanggunian ng larawan: https://www.explained.ph/2023/07/baybayin-ang-baybayin-ai-translator-para-sa-sinaunang-writing-system-ng-bansa-binubuo.html?m=1

Monday, September 16, 2024

Karapatan sa Kasal o Pang-aabuso?

    


      Kumakailan, muling uminit ang talakayan sa Senate Committee on Public Information and Mass Media tungkol sa konsepto ng Marital Rape sa gitna ng pahayag ni Senador Robin Padilla. Ayon sa Senador, tila pinapahiwatig niya ang ideya ng pagpayag na pakikipagtalik sa pagitan ng mag-asawa ay dapat ituring na bahagi ng kanilang obligasyon sa isa't isa. Ang ganitong pahayag ay umani ng iba't ibang reaksyon, at ang isa'y mula sa Women's and Children Right Advocate Atty. Lorna Kapunan. Sa ganitong pananaw, ito'y hindi lamang tumutukoy sa usapang mag-asawa kundi pati na rin sa pagtapak sa karapatan ng mga kababaihan. 

     Mahalagang aspeto ang sexual rights maging lalaki man o babae at lahat ng indibidwal. Ayon nga kay Atty. Kapunan, ang salitang "hindi" ay hindi. Hindi kailangan pilitin ang sino man sa kung ano ang hindi nila gustong gawin. Ang karapatan nilang tumanggi ay hindi lamang ang personal na kagustuhan kundi isang karapatan bilang isang tao. Ang mga babae ay hindi sexual objects na obligadong susunod sa sekswal na kagustuhan. Dapat itaguyod na ang mga babae ay may mga sariling katawan at karapatan na dapat isulong at hindi tapakan. Ang pagkakaroon ng sekswal na kalayaan ay hindi dapat ituring na pribelehiyo kundi isang likas na dapat igalang sa loob man o labas ng kasal. Ang bawat indibidwal ay kailangan bigyan ng pantay na respeto at proteksyon, saan man sila naroroon—sa loob man o labas ng tahanan.

     Marapat na hindi ipagsawalang bahala ang ganitong usaping pang karapatan ng mga babae o anumang kasarian. Kailangan natin palalimin ang ating kaalaman at pag-unawa sa ganitong usaping panlipunan sapagkat bilang isang Pilipino, sa atin manggagaling ang pagrespeto at pagkilala sa karapatang pantao na dapat ay bigyang pansin at hindi pabayaan. Kaya naman, tungkulin nating lahat, kabilang ang mga kilalang personalidad tulad ni Sen. Padilla, na maging mapanuri sa ating mga sinasabi at isinusulong na pananaw. Ang respeto sa kababaihan ay hindi usapin ng estado ng relasyon, kundi isang usapin ng pagkilala sa kanilang pantay na karapatan at dignidad bilang tao.


sanggunian ng larawan: https://qa.philstar.com/nation/2024/08/30/2381520/court-junks-plea-reverse-de-lima-acquittal/amp/

ANG DAAN NG GINTO

     Sa ilalim ng mainit na araw, nakaupo si Mang Kardo sa gilid ng lansangan, hawak ang lata niyang puno ng mga barya mula sa mga nagmalasa...